Nais ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na lahat ng kakailanganin ng mga nasa evacuation centers ay kaagad na maibigay ng pamahalaan kaya inatasan ang mga ahensiya partikular ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Public Works and Highways na kaagad na makipag-ugnayan sa local government units na lubhang apektado ng pagbaha at landslides at ibigay ang kinakailangang tulong.
Sa ulat ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, sinabi nitong may nakahandang halos isang milyong food pack ang kagawaran na ipinapamahagi sa mga lumikas at nire-rescue na mga pamilya, may naka-standby rin itong food and non-food items na nagkakahalaga ng Php 1.2 billion, at may nakatabing pondo na Php 2.6 billion para sa mga iba pang kakailanganin. Nakahanda ang Disaster Response Management Group at ang mga DSWD field offices, ‘yan ang pagseseguro ng kalihim.
Sa ulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 183,464 na pamilya ang naapektuhan ni Super Typhoon Carina at ng Habagat o katumbas ng 882,861 na mga indibidwal. Pero inaasahan pang lumaki ang bilang.
Bagama’t may mga napaulat na nasawi, nagpapatuloy pa ang Office of the Civil Defense sa beripikasyon ng mga ulat mula sa Philippine National Police.
Philippine Coast Guard (PCG) Search and Rescue sa NCR- hindi inalintana ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang malakas na pag-ulan at mataas na baha sa pagsasagawa ng search and rescue operations sa mga na-trapped na mga residente sa kanilang mga tahanan.
Ang search and rescue team ay binubuo ng Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon katuwang ang Coast Guard Station sa Malacañang Palace, at ang Presidential Security Command.
Tumulong din ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection.
Nagpahatid ng pakikiramay at pag-aabot ng tulong sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan ang mga bansang United States, Australia, Canada, China, Japan at ang European Union.
Ang US ay naunang magkaloob ng 700 emergency shelters sa pamamagitan ng US Agency for International Development at ng International Organization for Migration.
Paglilinaw ng Pagasa, hindi dapat ikumpara ang pagbahang nangyari sa ngayon sa naganap noong September 2009 na Typhoon Ondoy dahil tanging bagyo lamang ang may dala ng maraming ulan.
Mas kaparehas na sitwasyon umano ang nangyari noong August 2012 kung saan pinalakas ni Typhoon Gener ang Habagat na nagpalubog din sa Metro Manila. Umabot sa mahigit 1,000 millimeters ng tubig ulan ang bumuhos sa loob ng tatlong araw.






