Home OPINION SENADO, MAY PAGDINIG SA MALAWAKANG PAGBAHA SA METRO MANILA

SENADO, MAY PAGDINIG SA MALAWAKANG PAGBAHA SA METRO MANILA

ILANG buhay na naman ang nawala habang bilyon pisong halaga ng ari-arian ang napinsala sa paghagupit ng habagat at bagyong Carina nitong nakaraang Miyerkules at Huwebes, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang rehiyon sa Central at Southern Luzon.

Sa ngayon, hindi pa rin nakababangon ang libo-libong pamilyang nawalan ng kabuhayan habang marami pa ring mga lansangan sa mababang mga lugar sa Kamaynilaan tulad sa Caloocan, Navotas, Malabon at Valenzuela ang nananatiling lubog sa baha kaya’t nananatili pa rin sa evacuation centers ang daan-daang pamilya na hinahatiran ng tulong ng lokal at pambansang pamahalaan.

Marami ang nagsasabi na mas matindi pa raw ang kanilang naranasan sa hagupit ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina kumpara sa naging karanasan nila sa bagyong Ondoy na tumama rin sa Metro Manila at mga rehiyon sa Luzon noong Setyembre 26, 2009.

Sa ganitong uri ng kalamidad na tumatama sa ating bansa, kanya-kanyang paniniwala at opinyon ang namumutawi sa mga opisyal ng pamahalaan, appointed man o elected, at ang kanilang pinagbabatayan ay ang naging pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na mas marami talaga ang ulan na ibinuhos ng bagyong Ondoy kaysa bagyong Carina.

May mga nagsasabi na ang dahilan daw ng malawakang pagbaha ay bunga ng ginawang reclamation sa Manila Bay na dahilan kaya’t hindi makadaloy ng mabilis palabas dito ang mga tubig mula sa mga lansangan sa buong Kamaynilaan.

Maaaring may punto ang ganitong paniniwala dahil kung ang sinasabi ng PAGASA na mas maraming ulan ang ibinagsak ng bagyong Ondoy kumpara sa bagyong Carina, bakit nga naman mas malala ang naging pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila ngayon kumpara noon?

Siyempre, dedepensa ang mga lokal na opisyal na pumabor sa pagsasagawa ng reclamation sa Manila Bay at isisisi ang malawakang pagbaha sa walang patumanggang pagtatapon pa rin ng basura ng mamayan sa mga daluyan ng tubig.

May pruweba o patunay naman talaga ito dahil bumabara sa mga pumping station ang tone-toneladang basura na dahilan para hindi gumana ang mga ito.

Dahil nga sa nangyaring malawakang pagbaha, magpapatawag ng pagdinig ang Senado para alamin kung ano nga ba talaga ang nangyari at nagkaganito ang Metro Manila gayung bilyon-bilyong halaga ang ginastos ng pamahalaan para sa flood control project.

Sana, matuloy na kaagad ang imbestigasyon ng Senado para malaman kung reclamation nga ba, walang patumanggang pagtatapon ng basura o palpak na flood control project ang dahilan ng naranasang kalamidad.

Mahalaga, hindi lang ng lehislatura, kundi maging ng ehekutibo ang dahilan upang hindi na maulit pa ang pangyayari na may mga buhay at  bilyon pisong mga ari-arian ang nadaramay.