ANG desisyong ipatigil ang Philippine Offshore Gaming Operators ay positibong aksyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., na tiyak na makabubuti sa kanyang bumababang trust rating.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, si Pangulong Marcos ay nakapagtala ng 52 porsyentong trust rating sa buwan ng Hunyo, na mas mababa sa 57% na nakuha niya noong Marso.
Bago ang sorpresang anunsyo ng Pangulo sa kanyang 3rd State of the Nation Address, ang POGO ay mainit na usapin, tema ng imbestigasyon ng Senado at maging ng Kongreso.
Naging tahimik ang Palasyo hinggil sa isyu na hanggang dumating ang Presidente sa Batasang Pambansa Complex ay walang ugong kung ano ang sagot sa public clamor na i-ban na ang POGO sa bansa.
Kumbaga sa pelikula, masidhing pinapakinggan ang bawat yugto ng talumpati ni Pangulong BBM subalit lumipas ang isang oras ay wala pa ang pinanabikang nais na marinig o manggagaling sa bibig ng Pangulo.
Tila nawalan nang gana ang lahat pero bago magtapos ang halos isa’t kalahating oras na speech, naghiyawan at nagtayuan ang mga dumalo na nagpaligsahan sa mga kasuotan matapos marinig mula kay PBBM na i-ban ang POGO.
Natagalan ang desisyon sa ban, marahil dahil sa bilyones na nakukuhang buwis ng gobyerno, idagdag pa ang libu-libong Pinoy na mawawalan ng trabaho kapag tuluyang isinara ang POGO.
Bukod sa kadahilanang ito, maraming kumikitang opisyal ng pamahalaan ang nagbigay ng advice kay PBBM na huwag kantiin ang POGO pero ‘di naniwala sa kanilang sulsol ang Pangulo.
Bulong ng ating POGO insider, may mga top government official na ‘patong’ sa operasyon ng POGO.
Gaya ng smuggling at illegal gambling na paulit ulit na ipinag-uutos na supilin pero nariyan pa rin, kailangang gumamit si PBBM ng kamay na bakal para maging makatotohanan ang utos na POGO ban.
Poging-pogi si Presidente Marcos sa anunsyong POGO ban pero kung sa kalaunan ay ‘di tuluyang maihihinto dahil ‘di kayang rendahan ang tuso’t korap na opisyales ng pamahalaan. Ang mga korap na ito ang magiging daan sa mas padausdos na trust rating ng Pangulong Bongbong.






