Home OPINION 5.5K ANTI-FLOOD PROJ., P598B PONDO NASAAN?

5.5K ANTI-FLOOD PROJ., P598B PONDO NASAAN?

145
0

SIMULA nang umupo si Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 1, 2022, nagkaroon na ang programang kontra-baha ng pondong nasa kabuuang P598 bilyon.

Kalahati ng P283 bilyon pondo kontra-baha noong 2022 o panahon ni ex-Pangulong Digong Duterte o nasa P141 bilyon ang napunta sa unang 6-buwang ng administrasyon ni Pang. Marcos.

Sa mga susunod na taon, nasa P185B ang badyet laban sa baha noong 2023 at P255B ang para sa taong ito.

Iba pa ang ibinigay sa Metropolitan Manila Development Authority na nasa P3B noong 2023 at ngayong taon.

Nagpautang pa nitong nakaraang taon ang Asian Development ng $303 milyon o P17.3B laban sa baha.

Bilang ayuda laban sa baha at kakaibang pag-ulan (kasama na rin ang kakaibang tag-init), nagkaroon ng climate change program na pinondohan ng P454B noong 2023 at P545B ngayong 2024.

Nang ianunsyo ni Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address na may 5,500 anti-flood projects na natapos na at may mga nagpapatuloy pang iba, todo palakpak at ngiti ang mga miyembro ng gabinete, senador, kongresman, mayor, gobernador at iba pa, gaya ng mga nagpaligsahan ng mga mamamahaling gown, barong at amerikana na first gentlemen at first ladies.

Ang mga mamamayang nakikinig, bumilib din kay Marcos.

Pero dalawang araw lang ang nakalipas o nitong nakaraang Martes, Diyos na mahabagin, binaha ang buong bansa.

Nagsama ang habagat at bagyong Carina sa pagsukat sa katotohanan at kasinungalingan sa mga pahayag sa SONA at mga palakpak at ngiti ng mga opisyal ng pamahalaan at kanilang mga esposo at esposa.

Pero nasaan ang magandang bunga ng 5,500 anti-flood projects at nasaan ang P598.3B anti-flood control project para sa dalawa at kalahating taon at halos P1 trilyong anti-climate change program fund?

Buong katotohanan pa ba ang kwenta noon ni ex-Senator Ping Lacson na kalahati sa mga badyet sa proyekto ng national government ang ibinubulsa ng mga korap na opisyal kaya puro palpak ang mga proyekto, kasama na ang anti-flood at anti-climate change projects?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here