
NAPAKAGANDA ang nadiskubre ng mga climate scientist at ecologist na nakabase sa United States ukol sa methane.
Nilalanghap at nilululon pala ng mga balat ng kahoy ang methane kaya napakalaking panlaban talaga ang mga punong-kahoy sa polusyon.
Ayon sa mga anti-climate change, mga Bro, katlo sa kabuuang polusyon sa kalangitan ang galing sa methane.
Sabi nila, lumululon pala ang mga balat ng kahoy ng methane.
ANG METHANE
Methane ang tawag sa pinaghalong mga gas na carbon at hydrogen.
Pero mas madaling intindihin ito na pangunahing sangkap ng natural gas gaya ng minimina natin sa Malampaya, Palawan at ginagamit na panggatong o fuel sa mga planta ng kuryente at pwede ring pinakagasolina ng mga sasakyan.
Methane din ang tawag sa lumalabas sa tambak ng basura na umuusok, gaya ng sa Tondo, Manila noon.
Sabi, nanggagaling pa ang methane sa dighay ng mga hayop gaya ng baka, kambing at karnero, singaw ng mga natural gas system, basura sa ating mga tahanan at opisina at mismong mga puno rin sa mga latian.
METHANE AT CLIMATE CHANGE
Bagama’t pangalawa lang sa carbon dioxide bilang pollutant sa kalangitan ang methane, 80 porsyentong higit na mabagsik ito sa carbon dioxide na gas mula sa mga tambutso ng mga sasakyan at simboryo ng mga pabrika sa loob ng 20 taon.
At totoo ito dahil kapag may nakawalang methane sa paligid, apektado agad ang ating paghinga para tayo mahilo, magsuka, kapusin ng hininga hanggang sa maaaring oras nang tawagin tayo ni Lord na humarap sa kanya samantalang oks lang tayo kahit mabugahan tayo ng carbon dioxide ng diesel at gasolina.
Ang carbon dioxide, magtatagal umano sa kalangitan ng daang taon habang hanggang 10 taon lang ang buhay ng methane bilang polusyon pero higit itong mas matindi, nasa 28%, bilang tagaharang ng init na lumalabas sa kalangitan mula sa lupa.
Ang masama pa, simula noong madiskubre at magamit natin ang methane, nagdoble na ang dami nito sa kalangitan na napakalaking dahilan ng pag-iinit ng mundo.
Nag-iinit ang mundo dahil binabarahan ng mga pollutant gaya ng methane, carbon dioxide at iba pa ang kalangitan at hindi basta madaling makalabas ang init mula sa lupa palabas sa kalangitan.
MAGTANIM NG PUNONG-KAHOY
Ayon sa mga siyentista, nilalanghap at kinakain ng mga puno ang carbon dioxide sa pamamagitan ng mga dahon saka iniipon ang nasabing gas sa loob mga sanga at katawan ng mga ito.
Pero ang balat ng kahoy naman ang direktang kumakain ng methane.
Sa mga eksperimento na ginawa ng mga siyentista sa mga kagubatan sa Americas at Europa, nalaman nilang kukonti ang methane na nakukuha ng mga puno sa parteng ibaba ng mga ito.
Habang pataas nang pataas naman ang mga inilalagay nilang mga analyzer sa methane, anak ng tokwa, mas dumarami ang methane na hinuhuli at kinakain ng mga balat ng mga puno sa mga katawa at sanga ng mga ito.
Kaya iginigiit ng mga ecologist at siyentista na dapat lang tayong magtanim ng puno at pakaiwasan ang walang habas na pagpatay sa mga ito at pagkalbo sa mga kagubatan, sa kapatagan man o kabundukan.