Home OPINION KILLER PAYLOADER WALANG OR/CR (PART 1)

KILLER PAYLOADER WALANG OR/CR (PART 1)

98
0

HILING ng mga anak ko, mabigyang hustisya ang pagkamatay ng kanilang ama na si Manuel Bascuguin Jr. na nasawi nang magulungan ng payloader sa Balayan, Batangas noong Hulyo 12.

Ayaw ko na sana makialam pa sa kaso subalit tila ayaw naman kumilos ng Pamahalaang Bayan ng Balayan sa Batangas kung saan nagtatrabaho si Bascuguin bilang helper mechanic. Wala pang isang buwan nang mapasok sa trabaho ang biktima.

Bukod sa hindi pag-aksyon, tila may pinagtatakpan ang local government ng Balayan.

Paano nga ba ang pangyayari na naging daan sa pagkasawi ng biktima?

Sa ulat, itinawag sa motorpool ng munisipyo na nasa Barangay Caloocan na nasira ang payloader na pag-aari ng munisipyo at ito ay kailangang puntahan sa material recovery facility o MRF na nasa Barangay Malalay. Kaya anim na mekaniko, kasama ang biktima sa nagtungo sa MRF upang kumpunihin ang sinasabing nasirang payloader.

Nang ginagawa na ang nasabing sasakyan, nagulat na lang daw ang mga kasama nitong biktima nang makitang nagulungan na ito sa bahagi ng kanyang balakang at hita. Isinugod sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital si Bascuguin na halos tatlo hanggang apat na kilometro ang layo sa pinangyarihan ng insidente samantalang pwede namang dalhin sa Metro Balayan Medical Center na madaraanan patungo sa DMLMDH o kaya ay Medical Center Western Batangas Hospital na malapit din sa pinangyarihan.

Kung ang nais talaga ay magligtas ng buhay, bakit kailangang sa mas malayong pagamutan pa dalhin? Takot sila sa babayaran o gastos sa ospital?

Ang masaklap, nang magtungo ang pamilya sa Balayan Municipal Police Station para alamin ang pangyayari upang makapagsampa ng kaso, ang tanong ng imbestigador ay sino ang kakasuhan? Hello! Aksidente yan, totoo. Pero may dapat managot kung bakit ang nakahimpil na payloader ay biglang umandar kaya nagulungan ang biktima.

Tama ang hepe ng police na si PLtCol Melvin Pineda na hindi yan kaso ng vehicular accident na tukoy kaagad ang kabanggaan. Pero Sir, kaso yan ng homicide dahil nga hindi naman gumugulong ang sasakyan nang gagawin. Sira nga raw eh. Dapat, nag-imbestiga kaagad ang mga tao mo at inimbestigahan ang limang kasama ng biktima sa lugar.

Sasabihin  mo pa na hindi ka nagpapa-pressure kaya hindi kaagad sinampahan ng kaso ang may kagagawan ng insidente. Pero ang totoo, hindi kayo kaagad kumilos dahil alam n’yong munisipyo ang dapat managot.

Ang nangyari, bumagsak sa regular filing ang kaso gayong andyan naman ang suspek. Pinalampas nyo kasi at gusto nyo bumalik pa ang pamilya pagkalibing.

Sa pagsasampa ng kaso, una, hindi tukoy ng pulis ang plate number ng killer payloader dahil wala naman itong rehistro. Sa madaling salita, walang OR at CR. (May karugtong)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here