MATAPOS makatanggap ng kaliwa’t kanang pagbatikos dahil sa hindi nagamit na pondo na muling ibinalik sa National Treasury, nagbabalak ang Philippine Health Insurance Corporation na irekomenda kay President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang pagbawas sa kontribusyon ng mga miyembro ng PHILHEALTH.
Ibinahagi ni PHILHEALTH President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. ang plano sa pagdinig ng Senate committee on health and demography na pinamumunuan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go tungkol sa hindi nagamit na pondo ng state health insurer na umabot sa Php 89.9 billion.
Sinabi ni Senator Go na masakit para sa mga karaniwang Filipino na malaman na nagbabayad sila ng mataas na premium para sa health insurance kahit na ang PHILHEALTH ay sagana pala sa pera.
Dagdag pa ng senador, nagtataka siya kung bakit hindi na lang ginamit ng Department of Health at PHILHEALTH ang halos 90 billion na pondo upang lumikha ng bagong programa para tugunan ang mga pangangailangang pangkalusugan at medikal ng mga Filipino. Sana diumano ay ginamit na lamang ang pera upang palakasin ang mga benepisyo gaya ng para sa dialysis at kalusugan ng isip.
Nababahala naman si Senator Risa Hontiveros sa paggiit ng Department of Finance (DOF) na isauli ng PHILHEALTH ang pera kahit pa malinaw na nakasaad sa Universal Health Care program na walang pondo para sa mga benepisyo sa medikal ang dapat ilipat sa pangkalahatang pondo ng gobyerno.
Ipinagtanggol naman ni DOF Secretary Ralph Recto ang hakbang na ipatupad ang paglilipat ng pondo, na sinasabing sakop lamang nito ang hindi nagamit na halaga.
Tiniyak niya sa mga senador na ang milyon-milyong miyembro ng PHILHEALTH dapat naayon sa ipinangako ni Pangulong BBM na maaaring asahan ang mas maraming benepisyo sa kalusugan at medikal.
Pagbibigay-riin pa ni Secretary Recto, ang Php 500 billion na mayroon ang PHILHEALTH ay higit pa sa sapat upang matugunan ang mga benepisyo para sa mga miyembro, kabilang na ang mga ipinangako ng Pangulo sa kanyang ikatlong State of the Nation Address.






