Home OPINION KILLER PAYLOADER WALANG OR/CR (PART 3)

KILLER PAYLOADER WALANG OR/CR (PART 3)

90
0

MARAMING nagpapayo sa pamilya ng biktima ng killer payloader na pag-aari ng munisipyo ng Balayan sa Batangas na idemanda ang mga pulis na nagresponde at nag-imbestiga sa kaso nang pagkamatay ni Manuel Bascuguin Jr. sapagkat hindi ng mga ito ginampanan ng maayos ang kanilang tungkulin.

Hindi kaagad ng mga ito inimbestigahan ang pangyayari at sinampahan ng kaso ang mga dapat kasuhan kabilang ang may-ari ng pay loader. Sa halip, ipinayo ng mga ito sa pamilya na bumalik na lang pagkatapos ng libing dahil hindi ng mga ito batid kung sino ang dapat kasuhan. Ipinagyabang pa na hindi sila nagpapadala sa “pressure” ng sinoman. Teka, sino ba ang nagpe-pressure sa kanila? Natural, hindi ang pamilya dahil hind inga ng mga ito binigyang halaga dahil sa pag-aakala ng mga tauhan ng pulisya na walang kakayahan ang pamilya dahil mekaniko lang ang namatay.

Tiningnan ng mga pulis ang estado ng namatay at hindi ang pagtupad sa kanilang tungkulin na pagbibigay ng hustisya sa biktima. Paano nga kasi, nakagapos ang kanilang kamay dahil sa pagnanais na mailihis ang kaso at hindi tamaan ang mga opisyal ng pamahalaang bayan ng Balayan. Pero may dapat managot. May dapat mabigyan ng parusa para mabigyan ng hustisya ang kamatayan ng biktima.

O, hindi ba sasabihin lang nila na aksidente at hindi sinasadya ang pagkamatay ni Bascuguin? Pwede ring sabihin na walang may kasalanan.

Pero ang dahilan ng pagkamatay ay ang payloader na pag-aari ng Balayan local government unit. Eh bakit nga ba wala itong official receipt at certificate of registration?

Ayon sa isang Marites Lastimoso ng munisipyo ng Balayan, itong killer pay loader umano ay binili ng pamahalaang bayan na second hand subalit pinalabas na brand new. Aba, totoo nga kaya ito? Ibig sabihin, may kumita rito. Ito ang dapat maimbestigahan ng Commission on Audit at Office of the Ombudsman.

Posibleng hindi ito pansinin ng dalawang nasabing ahensya ng pamahalaan dahil sasabihin nilang walang complainant. Kailangan pa ba iyon? Hindi ba pasok ito sa motu propio investigation?

Sige, manawagan na lang kay Mayor JR Fronda upang maimbestigahan ang kaso. O dapat si Mayor ang imbestigahan?

Hay, kapag talaga ang kalaban ay nasa gobyerno, mahirap manalo ang pangkaraniwang tao o mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here