ITONG mga sarbey sa mga politiko, paiba-iba ang mga resulta.
Kapag binayaran ng politiko ang sarbeyor, magiging kaduda-duda ang resulta lalo na kapag pinayagan itong mailabas sa publiko o sa media.
Paniniwala ng iba na kapag binayaran ang nagsarbey, minaniobra ang sarbey.
Halimbawa, kahit totoo ang resulta, doon lang sa mga lugar malakas ang kabig ng politiko isinagawa ang sarbey at hindi roon sa mga lugar na isinusuka siya.
Kapag hindi inilabas, alam mo na kung bakit. Har! Har!
Tinatalakay natin ito, mga brad, kaugnay ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Station…lalo na sa Satisfaction Rating ng apat na kabilang sa mga pinakamatataas na pinuno ng ating bansa.
Kumbaga, tinanong ang mga tao o respondent kung nakuntento ba sila sa pagganap ng tungkulin sa gobyerno nina Vice President/Education Secretary Sara Duterte, Senate President Chiz Escudero, House Speaker Martin Romualdez at Chief Justice Alexander Gesmundo.
Hindi sinasabi ng SWS kung may nagbayad o wala sa sarbey na ito na isinagawa noong June 23-Hulyo 1, 2024 at itinaon sa anunsyo noong Hunyo 19, 2024 ni Inday Sara na magbibitiw na siya sa Department of Education.
Ukol kina Duterte at Romualdez ang ating bigyan ng diin dahil dito lumilitaw ang kontrobersya na alam na ng lahat.
Unahin natin ito si Romualdez na may Satisfaction Rating na sumusunod: Hunyo 2023 – +32 ang grado; Setyembre 2023 – +31; Disyembre 2023 – +28; Marso 2024 – +13; at Hunyo 2024 – 29.
Kay Inday Sara: Hunyo 2023 – +69; Setyembre 2023 – +57; Disyembre 2023 – +61; Marso 2024 – +63; at Hunyo 2024 – +44.
Sa pangkalahatan, good ang grado ni Inday Sara at very good sa kababaihan na nagbigay sa kanya ng +50.
Ukol kay Speaker Martin, kayo na ang magbigay ng grado, mga brad.






