MANILA, Philippines – Puspusan na o naging full blast na ang operasyon ng siphoning sa 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil mula sa lumubog na motor tanker Terranova sa Bataan, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG Bataan Station commander Lt. Commander Michael John Encina, inaasahan nilang maaabot ang target na 200,000 litro kada araw at inaasahang matapos ito sa loob ng dalawang linggo.
“Definitely ,this will be the full balst siphoning na po natin,” ani Encina.
Nagsagawa ng paunang siphoning ang salvor sa langis mula sa motor tanker bilang pagsubok para sa mga posibleng leaks at flow rate.
Sa initial siphoning, humigit kumulang 47,000 litro ng langis ang nakolekta.
Dumating sa lugar ang pump equipment mula Singapore noong Sabado.
Bukod sa MTKR Terranova, tumugon din ang PCG sa lumubog na MTKR Jason Bradley at sumadsad na MV Mirola 1 sa Bataan.
Tinitignan na ng PCG at National Bureau of Investigation (NBI) kung ang tatlong barko sa Bataan oil spill ay sangkot sa oil smuggling o “paihi.”
Ngunit ito ay mariing itinanggi ng may-ari ng MTKR Terranova.
Nagdeklara ng state of calamity sa buong probinsya dahil sa epekto ng oil spill sa Bataan gayundin ang siyam na siyudad at bayan sa Cavite. Jocelyn Tabangcura-Domenden