NAGIMBAL ang sambayanan nang ianunsyo ilang araw lang ang nakakaraan ang galit na galit na si Sen. Risa Hontiveros ang pagtakas ni Alice Guo palabas ng bansa.
Sa social media ay hindi rin maikakaila ang pagkabigla at pagdududa ng taumbayan na itinuon ang birada at hinaing sa mga korap na opisyal ng administrasyong Marcos.
At kahit na si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay maliwanag na nagulat rin sa pahayag ni Hontiveros na nakapuslit si Guo ng Pilipinas noong Hulyo 18 pa.
Dahil sa kaduda-dudang kaganapang ito ay sinabi ng Pangulo na ‘heads will roll’ na ibig sabihin mananagot ang mga opisyal ng kanyang pamahalaan na may kinalaman sa pagtakas.
Walang binanggit ang Pangulo kung sino-sino pero, bilang mga ahensya na in-charge sa ‘entrance’ at ‘exit’ ng bansa, ang naglalaro sa ating utak ay ang Bureau of Immigration.
Pero ayon sa BI, wala silang record na lumabas sa mga airport si Guo kaya ang kanilang suspetsa ay baka lumabas ito through ‘back door’ exit – maaaring sa Luzon o Mindanao.
Walang sinabing lugar pero malamang na ito ay sa karagatan ng Cagayan Valley o Ilocos sa Northern tip ng Luzon at dagat ng Sulu o ibang lugar ng Mindanao.
Sinabi ng Pangulo na ang imbestigasyon sa pagtakas ni Guo ay ‘underway’ at hinihintay lang ang resulta kaya humanda kayong mga suwail sa bayan na nagpatakas sa dating Mayor ng Bamban, Tarlac.
Para makatakas si Guo palabas ng bansa, aba’y hindi siya basta-basta na nilalang dahil sa tindi ng kasalanan ay bigla na lamang naglaho dahil pinatakas.
Sa huling survey ay tumaas ang trust rating ni PBBM nguni’t dahil sa ‘The Great Escape’ (ni Guo) ay tiyak na magdudulot ng marka o lamat sa liderato nito dahil sa kapalpakan ng ilang opisyal ng kanyang administrasyon.






