Home OPINION KAKAIBANG KARANASAN SA DAVAO CITY

KAKAIBANG KARANASAN SA DAVAO CITY

DINAGSA ng libo-libong dayuhan at lokal na turista ang ika-39 na Kadayawan Festival sa Davao City na sa unang pagkakataon ay ating nasaksihan sa loob ng tatlong araw nating pananatili sa naturang lugar.

Ang Kadayawan Festival ay taunang idinaraos sa Davao City na nagpapakita ng kultura at kinagawian ng mga tribo sa Davao na labis na nagbibigay-sigla sa mga dumadayong turista sa Region 11.

Ilan sa mga lumahok sa ‘open category ‘ ay mula pa sa Davao del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte at marami pa na tumatagal ng isang buwang pagdiriwang na ang pinakatampok ay nito lang araw ng Linggo, Agosto 18, na tinawag na “Indak-indak” o street dance kung saan may mga pumarada ring mga naggagandahang floats.

May ipinamahagi ring premyo sa iba’t-ibang kompetisyon ng Kadayawan tulad ng songwriting contest kung saan nag-uwi ng P300,000 ang nagwaging kalahok habang daan-daang libo rin ang napanalunan ng mga nagwagi sa open category na nagpakita ng kanilang husay at galing.

Upang maisakatuparan ang patimpalak, malaking bahagi ang naging partisipasyon ng bagong grupo na Puwersa ng Pilipinong Pandagat dahil sila ang tumatayong tagapagtaguyod at isa sa mga nagsilbing hukom sa nasabing aktibidad. Sa aming pakikipag-daupang palad sa grupong PPP, nakilala namin si Bryan Lim na isa sa bumuo ng grupo at naikuwento niya ang layuning mabigyan ng boses at proteksiyon ang lahat ng mangingisda sa buong bansa lalo na’t mabigat ang kanilang sakripisyong binabalikat sa kanilang paghahanap-buhay para lang matiyak na may sapat na pagkain ang mamamayan.

 Maging ang mga Dabawenyo ay naibigan din ang kanilang adhikain lalu na ang mga dumalong grupo ng mga mangingisda na nabuhayan ng pag-asa nang ihayag ng grupo ang kanilang layunin. Aming nabatid sa ilang mamamayan ng Davao na kilala na pala ang grupo na tahimik na tumutulong sa mga mangingisda  sa ibat-ibang panig ng Cebu City at sa Danao City, at maging sa grupo ng mga mangingisda sa Bagac, Bataan.

Hindi naman pinalagpas nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao 1st District Representative Paulo Duterte ang pagkakataon para pasalamatan at purihin ang taos-pusong pagsuporta ng grupong PPP sa mga mangingisda ng rehiyon na kanila ring pinaglilingkuran.

Bukod nga pala sa Kadayawan Festival personal din naming nasaksihan ang kagandahan ng tawid isla na Samal Island na dinarayo rin ng mga turista. Tunay na kakaibang karanasan ang aming pagtungo ng dalawa ko pang kasama na sina Ate Jocelyn Domenden at Lorenz Tanjoco sa dinarayong isla na tila tila isang paraiso dahil sa ganda ng tubig dagat, mga puting buhangin at mababait na mga staff at waiter ng aming tinuluyang Paradise Island Park and Beach resort.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.