MANILA, Philippines – Bago tuluyang nabuwag ang kilos protesta ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay apektado rin ang operasyon ng Davao International Airport matapos maharangan ng barikada ang ilang kalsada sa Davao City.
Dahil dito ay napilitang maglakad ang mga turista, pasahero at maging ang mga person with disability (PWD) na patungo sa naturang airport.
Maging ang mga residente na nagco-commute papasok ng trabaho ay naapektuhan din sa kilos-protesta at mga barikada.
Ayon sa Civil Aviation Authority, ang entry at exit ng Davao International Airport ay limitado lamang sa main entrance.
“What used to be our exit gate, nakasarado po siya ngayon as a precautionary measure because that gate is very near. Masyadong malapit po doon sa kaganapan,” sinabi ni Rex Obcena, CAAP Davao manager.
Wala namang flight ang nakansela sa pangyayari bagama’t may ibang flight na naantala.
“We were all in agreement na to extend or to stretch operations as much as they can to accommodate the passengers kasi understandably yun iba naantala talaga sa traffic,” ani Obcena.
“Para sa mga passengers at sa mga turista, isolated case lang ang nangyari,” pahayag ni Police Major Catherine dela Rey, spokesperson for Police Regional Office 11.
Para matugunan ang sitwasyon, nagbigay ng alternatibong ruta ang City Transport and Traffic Management Office. RNT/JGC