MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Risa Hontiveros na mananagot sa batas si Pastor Apollo C. Quiboloy matapos itong sumuko sa awtoridad sa Davao City matapos ang mahigit dalawang linggong pagtatago sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Nahaharap si Quiboloy sa patong-patong na kasong ng human trafficking, child abuse, money laundering at pagtatago sa batas matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Senado sa hindi pagdalo nito sa pagdinig.
Bukod dito, may kasalukuyang kaso din ni Quiboloy sa Federal court ng US sa kasong large scale money laundering, human trafficking, at sexual abuse.
Sinabi ni Hontiveros, nangunguna sa pag-iimbestiga sa krimen ni Quiboloy matapos magreklamo sa Senate committee on women ang ilang kababaihang hinalay ng pastor na itinuturing nitong anak siya ng Diyos.
“Mananagot ka, Apollo Quiboloy. You cannot outrun the law. You will not further delay justice,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na abot-kamay ng biktimang nakapuslit sa kalupitan ni Quiboloy ang hustisya kaya’t nagpasalamat ang mambabatas sa kalakasan ng kanilang loob na lumantad at magsabi ng pangyayari.
“We commend our law enforcement agencies for their tireless efforts and dedication, despite Quiboloy’s tactics,” ayon kay Hontiveros.
Aniya, magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado upang matuldukan ang sistematikong pang-aabuso sa pinakabulnerable sa lipunan.
“Bilang na ang araw ng tulad nilang naghahari-harian, nambabastos sa batas, at nang-aabuso sa kababaihan, kabataan, at kapwa nating Pilipino,” ayon kay Hontiveros.
Nadakip si Quiboloy sa loob mismo ng compound ng KOJC sa kabila ng pagtanggi ng ilang abogado at pagtututol ng kaalyado nito sa politiko, nitong Linggo ng gabi. Ernie Reyes