BACOLOD CITY- Nasamsam ng mga pulis ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon mula sa isang 29-anyos na drug courier kasunod ng isang aksidente sa Purok Bomba, Barangay Salvacion, Murcia, Negros Occidental nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Police Major Sherwin Fernandez, Murcia police chief, ang suspek na si Carl, residente ng Barangay Villamonte, sa lungsod na ito.
Ani Fernandez, rumesponde ang mga pulis sa isang vehicular accident sa lugar lampas alas-6 ng hapon.
Nag-overshoot ang suspek, nagmamaneho ng motorsiklo, sa kabilang lane habang papalapit sa pakurbang kalsada, na nagresulta sa pagbangga nito sa isang kotse.
Hindi nasugatan ang driver ng kotse subalit natakot si Carl nang dumating ang mga pulis.
Narekober ng mga awtoridad ang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 500 gramo sa kalsada malapit sa bumper ng kotse at nakumpiska ang isa pang pakete na may bigat na 500 gramo sa loob ng sirang sling bag ng suspek.
Dinala na mga pulis ang suspek para sa masusing imbestigasyon.
Ani Carl, nagmula siya sa San Carlos City at napadaan sa lugar habang pauwi sa kanyang tahanan.
Giit ni Fernandez, inaalam na nila ang pinagmulan ng mga kontrabando dahil inatasan umano ang suspek na i-deliver ang items. Iniimbestigahan na rin umano ang background ng suspek.
Nahaharap ang suspek sa drug at reckless imprudence resulting in damage to property cases. RNT/SA