MANILA, Philippines- Naghain si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nitong Biyernes ng not guilty plea sa kasong qualified human trafficking sa Pasig court, base sa kanyang abogado.
Iginiit ni Guo, kilala rin bilang Chinese national na si Guo Hua Ping, na hindi siya guilty sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 167 sa pamamagitan ng videoconference.
“Arraignment, of course, we pleaded not guilty or ma’am pleaded not guilty to the crime alleged,” pahayag ni Atty. Nicole Jamilla, isa sa mga legal counsel ni Guo, sa isang panayam.
“She has no participation in trafficking talaga. Yun naman po, without going into further details, kasi baka ma subjudice tayo, pero on the part of our client, she is firm na not guilty po sya dito sa crime na pinaparatang sa kanya,” giit niya.
Kaugnay ang kaso ng pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub noong Hunyo sa bayang dating pinamumunuan ni Guo, kung saan mahigit 800 Pilipino at mga dayuhan ang nasagip.
Samantala, hindi natuloy ang arraignment ni Walter Long, ang Malaysian national na naaresto sa POGO hub nitong taon, dahil sa nakabinbing mosyong suspendihin ang proceedings.
“Ang ginawa ho, kahit hindi ho siya kasama sa preliminary investigations sa DOJ ay sinama siya sa kaso. So nakakatakot ito, ha, nakakabahala itong ginawa ng DOJ na ito,” pahayag ni Atty. Christian Vargas, legal counsel ng akusado. RNT/SA