Home OPINION MALA-TORE SA TAAS NA PAG-ASAM PARA SA CIDG

MALA-TORE SA TAAS NA PAG-ASAM PARA SA CIDG

151
0

ANG bagong tungkulin ni PBGen Nicolas Torre III bilang director ng Criminal Investigation and Detection Group  ay walang dudang may kaakibat na mataas na ‘expectations’, lalo na dahil mahigpit ang utos ni Philippine National Police chief PGen Rommel Francisco Marbil na patinuin ng bagong pinuno ang nasabing unit.

Bagama’t nakaeengganyong pakinggan ang mga ganitong retorika — malawakang reporma, istriktong monitoring, at ethical compliance — alam naman ng lahat na may bahid din ng mga kapalpakan at pagkakamali ang CIDG. Sa nakalipas na mahigit dalawang dekada, ang mga tauhan nito ay naugnay na sa ilang kontrobersya, kabilang ang pagkakasangkot sa mga iligal na aktibidad tulad ng panunuhol, pangongotong, at maging seryosong mga krimen.

Iniisip ng ilan na ang pagkakatalaga kay Torre ay bilang gantimpala sa mga pinamunuan niyang high-profile operations, na ang huli ay ang pagkadakip sa ilang buwan nang pinaghahanap na pastor na si Apollo Quiboloy.  Gayunman, ang “juicy” posisyong ito, na may kaakibat na pag-angat sa ranggong major general, ay mas dapat ituring bilang isang nakalululang responsibilidad.

Ang linisin ang hanay ng buong CIDG ay hindi isang nakatutuwang trabaho. ‘Pass’ sa mabubulaklak na ‘press statements’, higit pa sa “wishful thinking” ang kakailanganin ni Torre upang baguhin ang isang organisasyong matagal nang may problema sa internal misconduct.

Isang pambihirang pagkakataon ito para kay Torre — hindi para magyabang, kundi isang oportunidad upang baguhin ang pagkakakilala sa CIDG sa mga susunod na taon.

Napakarami nang tumahak sa parehong direksyong ito na nabigong isailalim sa reporma ang CIDG, kaya may importanteng dapat pagpasyahan si Torre: Mapatutunayan kaya ng kanyang pamumuno na posibleng makapagpatupad ng tunay na pagbabago, o baka sa huli ay matutulad din siya sa mga nauna sa kanya, na mas marami pang naidada kaysa nagawa?

                                  *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here