PUNONG-ABALA ang Commission on Elections sa pagtanggap ng Certificate of Candidacy mula sa mga aspirant para sa nalalapit na midterm elections 2025. Sinimulan ang proseso noong Oktubre 1 at nakatakdang matapos sa Oktubre 8, 2024.
Hindi na magkamayaw ang mga aplikante sa pagpapakilala ng kanilang mga sarili sa social media kahit hindi pa opisyal na nominado sa pwestong pinupuntirya. Eh, kasi naman dear readers, nakasalalay pa rin sa requirements ng COMELEC ang pagsasapinal ng kanilang nominasyon.
Asahan na natin sa mga susunod na araw ang talamak at pasimpleng early campaigning ng mga kandidato. Magiging flooded na naman ang social media dahil sa mga post ng naglalakihang mukha, plataporma at mga accomplishment nila. Kung tayo ang tatanungin, technical offenses ang mga ito at hindi dapat payagan.
Ang sabi naman ng iba, basta’t walang nakasulat na salitang “iboto” ay makalulusot “daw” ang ganitong istilo at libre na ang kandidato sa reklamong disqualification. Pero mas mainam na itanong ang mga ganitong bagay at teknikalidad sa COMELEC.
Mainam din na alamin ng bawat aspirant kung may bagong dagdag na probisyon o rules na inilatag ang komisyon para hindi sila maligaw o masorpresa sa anomang technicalities o disqualification sa paglahok sa halalan.
Asahan na din natin ang pagkalat sa social media ng mga personal na paninira, patutsadahan at black propaganda na mahirap alamin ang pinanggagalingan dahil sa sangkatutak na fake accounts at “trolls”.
Sa panahon ng kampanya, nawa’y isama sa mga programa ng mga kandidato ang kanilang partisipasyon at implementasyon sa kasalukuyang pinaiiral na safety and health law na kailangang-kailangan natin sa ngayon.
Magtulungan tayo dear readers at simulan natin ito sa pamamagitan nang pagbibigay ng suporta sa pagbabantay at impormasyon sa COMELEC sa pagsasaayos ng Halalan 2025 para maiwasan ang anomang sigalot at mairaos ito nang matiwasay at mapayapa.
HAPPY BIRTHDAY Director Dennis Napule. Pakanton este painom ka naman. – Ed)






