MANILA, Philippines – “WALANG guro na maiiwan, isang layunin, edukasyon para sa lahat!”
Ito ang sigaw ng mga Pilipinong guro na nagmula sa iba’t-ibang organisasyon na nagtipon-tipon kasabay ng paggunita ng World Teachers’ Day nitong Biyernes, Oktubre 4.
Isinagawa ang kanilang forum na may temang “Valuing Teacher Voices: Towards a new social contract for education” sa ikaapat na palapag ng National Press Club (NPC) of the Philippines na dinaluhan ng lokal at nasyunal na mga organisasyon na binubuo ng mga Filipino teachers.
Kabilang sa mga dumalo ay ang TEACHERS Inc., Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT), ALS-Manila Teachers, Teachers Dignity Coalition, Gurong Nagbabalik sa Bayan, at E-Net Philippines kung saan ibinahagi nila ang kanilang mga hinaing at agarang pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga guro, tulad na lamang sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum hanggang sa patuloy na mga isyu sa Magna Carta para sa mga Public School Teachers.
“While the MATATAG curriculum is designed to improved foundational skills, the piloting has led to increased workload for teachers. We are not robots, we are human beings who get tired,” hinaing ni Serafin Molina ng TEACHERS Inc.
Giit naman ni Eselwisa Puri ng ASSERT, ang mga benepisyo na dapat umanong tanggapin ng mga guro ay at mga polisiyang nagpoprotekta sa kanilang mga karapatan bilang guro gaya ng working hours, health support, promotion, ay nakasaad umano sa Magna Carta.
“The Magna Carta for Public School Teachers is meant to protect and support educators, but due to lack of awareness and corrupt practices, it has lost its potency,” ani Puri.
Kaugnay nito, nanawagan din si Jonalyn Arao, President ng ALS-Manila Teachers, na sana sa Alternative Learning System (ALS) ay hindi nagiging alternatibo ang mga guro, dahil lahat sila ay nagtuturo ng pantay kaya’t dapat ang kanilang mga benepisyo umano ay dapat pantay rin at walang nadedehado.
“Tiyakin din na maibigay ang mga benepisyo sa mga guro ng ALS. Suportahan ang ALS para abutin ang mas maraming out-of-school,” ani Arao.
Bukod dito, nagpahayag din ng pagkadismaya sina Caren Maca at Roger Jugatan na kapwa Indigenous Peoples Education (IPEd) teachers at miyembro ng Lubos na Alyansa ng mga Katutubong Ayta ng Zambales dahil imbes na tumaas ang budget para sa IPEd ay nabawasan pa ito.
“Anliit na nga ng budget para sa IPEd, patuloy pa sa pagbaba. Para sa FY 2025, nasa kalahati ang ibinaba nito, mula P154 milyon tungo sa P74 milyon,” ani Maca.
Samantala, sinabi naman ni Carla Santos, Presidente ng E-Net Philippines, malinaw ang mga hinaing at panawagan ng mga Pilipinong guro hinggil sa kinakaharao nilang problema sa kabila ng ibinibigay nilang mataas na kalidad ng pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
“There is a great need for government and society to work together with teachers to create a new social contract for education,” ani Santos.
Nagpahayag naman ng suporta ang pamunuan ng NPC, sa pangunguna ni Pangulong Leonel “Boying” Abasola, sa mga Pilipinong guro hinggil sa isinusulong nilang adbokasiya at tiniyak na handa silang tumulong sa abot ng kanilang makakaya. JR Reyes