MANILA, Philippines- Nasa isang taon na nang iniulat na nawawala ang isang Korean national nang matagpuan itong patay sa isang hospital Silang, Cavite
Kinilala ang biktima na si Daehyun Mun, 58, namatay dahil sa cardiac arrest sa Silang Specialist Medical Center ng nasabing bayan..
Sa ulat na natanggap ng Silang Municipal Police Station, dakong alas-10:24 kamakalawa ng gabi nang ideklarang patay si Daehyun sa loob ng ospital.
Ayon sa anak ng biktima na tumanggi umanong magbigay ng pahayag, nalaman lamang umano nito na isinugod ang kanyang ama ng kanilang churchmate sa nasabing ospital makaraang sinumpong ng atake.
Sa datos, unang iniulat na nawawala si Daehyun noon pang October 15, 2023 ng asawang si Mariyln makaraang umalis sa kanyang pinagtatrabahuan sa Red River Warehouse sa Brgy Sabutan, Silang Cavite sakay ng isang kulay creamy white/gray na Hyundai Starex na may plakang AAX 4105 kasama ang isa pang Koreano.
Simula noon ay wala nang narinig na balita hinggil sa biktima hanggang sa nalaman na isinugod sa ospital kung saan namatay.
Wala ring ibinigay na detalye hinggil sa pagkawala ng biktima sa loob ng halos isang taon. Margie Bautista