MANILA, Philippines – NAGHAIN na kahapon, Oktubre 5 ng Certificate of Candidacy (CoC) si Rolando Jota na tumatakbo bilang Mayor sa Quezon City at makakalaban ng kasalukuyan alkalde ng lungsod na si Mayor Joy Belmonte ngayong mid term Election 2025.
Si Jota ay isang media practitioner na tumatakbo bilang independent at ilang beses na rin tumakbo nitong mga nakalipas na eleksyon bilang vice mayor ng Quezon City at ngayon ay alkalde subalit hindi pinalad.
Sinabi ni Jota na bagamat wala siyang malakas na partido politikal at walang pera para itustos sa kanyang kampanya, naniniwala siya sa lakas ng social media at ng mga residente ng lunsod Quezon City.
Samantala kaugnay nito, naghain din ng kanyang COC si Quezon City Sixth (6) District Councilor Emmanuel “Banjo” Pilar para sa re-election sa ilalim ng Serbisyo sa Bayan Party (SBP).
Bagama’t sinamahan ni Pilar sina Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto nang maghain sila ng kanilang mga CoC noong 1 Oktubre, pinili niyang magsumite ng kanyang kandidatura noong Sabado, Oktubre 5, upang maiwasan ang maraming tao sa Amoranto Sports Complex, ang itinalagang lugar ng paghahain ng CoC para sa lungsod.
Si Pilar ay nagsulong para sa “door-to-door” na paghahatid ng mga maintenance na gamot para sa pinakamahihirap na senior citizen sa kanyang distrito.
Ang iba pang re-electionist councilors na naghain ng kanilang CoCs ay sina Candy Medina (District 2) at Nikki Crisologo (District 1), manugang ni Congressman Bingbong Crisologo, na nakatakdang tumakbo bilang Congressman sa District 1 laban kay Rep. Arjo Atayde. Santi Celario