HINDI lang good news kundi maswerte ang mga mamamayan ng Quezon province sa pagkakatalaga kay PCol Ruben B. Lacuesta bilang kanilang bagong provincial director.
Produkto ng prestisyosong Philippine National Police Academy Class of 2000, si Lacuesta ay pormal na nanungkulan noong Lunes, Oktubre 14 na PD ng naturang lalawigan.
Ang police official na ito ay ‘no stranger’ sa Chokepoint at media colleagues na kumokober ng Northern Police District o CaMaNaVa area dahil sa tatak nitong ‘friendly’ at ‘performer’.
Kung bakit friendly – walang angas at approachable, si Lacuesta ay madaling kontakin, ‘di pumapaltos sa pagsagot sa queries ng media na may kinalaman sa nangyayari sa kanyang area of responsibility.
Very commendable rin ang tuwirang pagpapaabot ng ‘thank you’ sa reporters na nakapagsulat ng police accomplishment at agad inaaksyunan ang negatibong media reports sa kanyang AOR.
Hindi magkakasya ang espasyo ng aking kolum kung isa-isahin kong ipaliwanag para mapatunayan lang na ‘one of a kind’ ang palakaibigang police official na ito.
Ang work ethics ay ‘di rin matatawaran dahil halos 24/7 o 24 oras ang pagtugon sa trabaho. Kung walang paper works sa opisina ay nagmamando ng police operation sa labas.
Kung bakit performer – bukod sa personal na pinapangasiwaan ang police operation, mayaman ang isipan ni Lacuesta sa pagpapakilala ng anti-criminality strategies.
Kaya ‘di nakakapagtakang sandamakmak ang natanggap na awards ng Caloocan police dahil sa ikinasa at isinagawang anti-criminality methods noong ito’y hepe ng pulisya ng lungsod.
Kabilang sa natanggap ay ang ‘2023 Best Police Station’ awards sa anti-drugs operation na iginawad ng National Capital Regional Police Office at Philippine Drugs Enforcement Authority.
Ang katauhan ni Lacuesta bilang kakaibang police official ay dapat ituring na ‘gem’ na karapat-dapat na tularan para dumami ang katulad niya sa police organization.
Masuwerte ang mga taga-Quezon dahil tiyak na mararanasan din nila ang pagiging ‘friendly’ at magaling na ‘performer’ na naging tatak na ni Lacuesta sa pagsasakatuparan ng kanyang trabaho.






