Home OPINION NCAP, CODING, TEMPO AT TNVS, DAPAT MALINAW SISTEMA

NCAP, CODING, TEMPO AT TNVS, DAPAT MALINAW SISTEMA

2
0

EXEMPTED sa number coding scheme ang mga pampublikong sasakyan, kabilang ang Transport Network Vehicle Service, dahil nakatutulong ang mga ito na mabawasan nang 20 porsyento ang mga sasakyang bumibiyahe sa lansangan at nagbibigay ng alternatibong masasakyan ng mga pasahero.

Kabilang sa exemption ang mga TNVS na may Metropolitan Manila Development sticker na nakadisplay upang maipakita ng driver sa mga enforcer na awtorisadong pampublikong sasakyan ang kanyang minamaneho. Ngunit may problemang kailangang agarang solusyunan dahil kapag ang paglabag ay nahuli sa pamamagitan ng “No Contact Apprehension Policy”, kadalasan ay plate number lamang ang nakukunan ng camera, kaya hindi agad natutukoy kung exempted sa coding ang sasakyan.

Naiparating na ng TNVS Community sa MMDA ang usaping ito. Ayon sa impormasyong ipinaabot, maaari namang iapela o i-contest ang NCAP apprehension at maibasura ang violation kapag napatunayang exempted ang sasakyan.

Subalit bakit kailangang dumaan pa sa ganitong proseso ang mga driver kung maaari namang ayusin ang sistema sa simula pa lamang? Halos isang buwan bago matanggap ang notice of violation. Bukod sa abala, oras at pagkakataong kumita ang nawawala sa driver sa pag-aasikaso ng apela.

Mayroon ding mga pekeng sticker, kaya hindi sapat ang basta pagpapakita lamang nito. Kailangang tiyakin ang pagiging lehitimo ng TNVS at ang kaukulang exemption nito.

Maaaring mag-ugnayan ang MMDA, LGUs o local government units, at Transportation Network Companies upang bumuo ng beripikadong listahan ng mga awtorisadong TNVS. Sa ganitong paraan, mas magiging mabilis at maayos ang pagpapatupad ng NCAP, lalo na ngayong may proseso ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa regularisasyon ng mga sasakyang may TEMPO.

May hiwalay ding pangamba ang TNVS drivers sa paliparan dahil marami umanong enforcer ang nanghuhuli ng mga colorum na sasakyan, kahit nakabinbin na ang regularisasyon ng kanilang prangkisa.

Dapat magpulong ang LTFRB, Ninoy Aquino International Airport, at mga lider ng TNVS upang linawin ang patakaran habang nakabinbin ang aplikasyon.

Ang batas ay dapat ipatupad nang patas, malinaw, at makatarungan. Hindi dapat ang mga pagkukulang sa sistema ang maging dagdag na pasanin ng mga naghahanapbuhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here