MAKARAANG aminin mismo ni Senator Panfilo Lacson na inalok siya ng P50 milyong pork barrel makaraan ang impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona, luminaw nang husto na pera-pera higit sa lahat ang impeachment…hindi para sa pananagutan.
Tinatalakay natin ito kaugnay ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na maaaring pabuya ang 2027 badyet sa mga nagsusulong ng deklarasyong guilty siya sa impeachment.
Matatandaang si Sen. Jinggoy Estrada ang naunang nagbuking na inalukan ng P50 milyong pork barrel ang karamihan sa 23 noon na senador para sibakin sa pwesto si Corona.
Ngayong nagsalita na rin si Lacson, kumpirmadong malaking pinagkakaperahan nga ng mga mambabatas ang impeachment.
Lumitaw rin na noong panahon ng Corona impeachment, kinuha ang pondo sa Disbursement Acceleration Program na kalauna’y idineklarang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court.
Itong dalawang impeachment sa parte ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte, nakabibingi ang ugong-ugong na pinagkaperahan din ito.
May nagpapaalam kay Navotas City Cong. Toby Tiangco na “kailangan lang nila” ang pumirma.
Nitong huli, may pahaging din sina Tiangco at Caloocan City Cong. Egay Erice at Sen. Imee Marcos na umabot sa milyones ang tinanggap ng mga bumotong kongresman para sa impeachment
Para umano sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses na hindi ina-audit ng Commission on Audit dahil sertipikasyon lang ng pinagkagastusan ang kailangan.
Ipagpalagay na lang na may mga mambabatas na hindi kailanman tumanggap ng mga pork barrel para pagkikbakan, tulad nina Lacson, namayapa nang Sen. Joker Arroyo at Miriam Santiago, tahimik lang ang higit na nakararami na namemera sa katulad ng impeachment.
Kapag higit na nakararami ang nagpapayaman sa pwesto, dehadong-dehado ang mga mamamayan.
Akalain mo bang ang milyon-milyong mamamayan na nagbabanat ng buto at nagpapatulo ng pawis para kumita, mabuhay at magbuwis para mabuhay ang pamahalaan ang walang pakinabang sa kaban ng bayan, at itong iilang korap ang higit na nakikinabang nang labis-labis.
Kailan kaya magwawakas ang kademonyohang pagpapayaman sa pwesto?






