ANO nga ba ang motibo ng ilang mamamahayag kung bakit nagiging agresibo ang kanilang mga pahayag sa maiinit na isyung pampulitika, gayong kapalit nito ay maaaring malagay sa panganib ang kanilang sarili at pamilya?
Mahalaga ang kalayaan sa pamamahayag, ngunit kaakibat nito ang pananagutang maglahad ng matibay na ebidensiya, gumamit ng responsableng pananalita, at maging maingat sa bawat impormasyong inilalabas sa publiko. Hindi sapat ang matapang na banat kung wala namang sapat na batayan.
Hindi lamang sariling buhay ang maaaring malagay sa panganib. Maaari ring madamay ang mga mahal sa buhay, lalo na kapag ang mga pahayag ay tumatama sa interes ng makapangyarihang mga personalidad. Ang tunay na tapang ay hindi nasusukat sa tindi ng pananalita, kundi sa kakayahang ipahayag ang katotohanan nang may paninindigan, katumpakan, at malasakit sa kaligtasan ng iba.
May ilang prestihiyosong mamamahayag na marunong dumiskarte sa ganitong mga sitwasyon. Matalas ang kanilang pakiramdam kapag may panganib na nakaamba. Alam nila kung kailan dapat ipagpatuloy ang kanilang banat at kung kailan kailangang maghinay-hinay upang maiwasang malagay sa alanganin ang kanilang sarili at pamilya.
Ang kasikatan ay maaaring magbukas ng pinto sa kapangyarihan, ngunit ang tunay na hamon ay kung paano ito gagamitin—para sa pansariling interes o sa kapakanan ng mamamayan.
Hindi maikakaila na may ilang nagagamit ang kanilang kasikatan sa pamamahayag bilang puhunan sa pagpasok sa pulitika. Ang pagkakakilala sa kanila ng publiko ay nagiging bentahe sa pangangampanya at pagkuha ng tiwala ng mga botante. Gayunman, hindi dapat kasikatan lamang ang maging batayan sa pagpili ng lider, kundi kakayahan, integridad, at tunay na paglilingkod.
Sa malalayong lalawigan, nananatiling seryoso ang mga panganib na kinakaharap ng ilang mamamahayag. Ang mga banta, panggigipit, at iba pang insidente ay dapat masusing imbestigahan, hindi balewalain.
Porma at kayabangan. Gaano man kagaling magsalita, kakisig man manamit, o kaporma ang isang mamamahayag o pulitiko, hindi nito maitatago ang mga pagkukulang sa pamumuno. Ang tunay na lider ay nasusukat sa tapang na harapin ang mga problema, kahandaang managot, at kakayahang protektahan ang mga mamamayang ipinagkatiwala sa kanya.






