MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang tambay na nag-iingat ng hindi lisensiyadong baril nang salakayin ng pulisya ang kanyang tirahan sa bisa ng search warrant sa Navotas City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas City Police Chief P/Col. Mario Cortes hinggil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril ng suspek na si alyas Buboy, 22.
Agad nag-apply ang mga tauhan ni Col. Cortes na sina Lt. Michael Salvador, P/SSgt. Jason Dela Cruz at isang alyas “Irene” ng search warrant sa sala ni Navotas Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Romana M.M. P. Lindayag Del Rosario ng Branch 287.
Nang mag-isyu ng search warrant ang korte sa paglabag sa RA 10591, agad sinalakay ng mga tauhan ni Col. Cortes ang tirahan ng suspek sa Brgy. NBBS Proper sa naturang lungsod dakong alas-2:35 ng hapon, suot ang kanilang body camera na sinaksihan pa ng opisyal ng barangay sa naturang lugar.
Sa isinagawang paghalughog, nakuha sa loob ng bahay ng suspek ang itinatagong kalibre .38 revolver na walang serial number at dalawang bala na gagamitin ng pulisya sa paghahain nila ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban kay ‘Buboy sa Navotas City Prosecutor’s Office. Rene Manahan