MANILA, Philippines – Hindi pa natatanggap ni suspended Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil ang kopya ng reklamong inihain laban sa kanya at iba pa, dahil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na Lucky South 99.
Sa ulat, sinabi ni Capil na sa media niya lamang nalaman na may reklamo laban sa kanya.
“Wala pa po kaming opisyal na natanggap na kopya namin ng asunto,” anang suspended mayor.
“Ikinalulungkot at ikinababahala rin po namin na aming nalaman lamang na may reklamo sa amin sa media, at hindi sa inaasahan naming regular na proseso.”
Kamakailan ay inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Criminal investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang reklamo laban kay Capil.
Bukod kay Capil, respondents din sa reklamo sina Porac Business Permit and Licensing Office head Emerald Salonga Vital, Municipal Vice Mayor Francis Tamayo, at pitong Sangguniang Bayan members.
Ani Capil, handa nilang harapin ang mga alegasyon sa tamang lugar at pagkakataon.
“Handa naming harapin ang lahat ng ito sa tamang forum. Buo ang aming tiwala na ang katotohanan at katarungan ay manaig,” aniya.
Matatandaan na sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Capil at iba pa dahil sa umano’y gross neglect of duty matapos na akusahan sila ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa inaction at hindi pagtugon sa kanilang tungkulin dahil sa pagpayag sa patuloy na operasyon ng Lucky South 99 sa munisipalidad. RNT/JGC