MANILA, Philippines – Pinatutsadahan ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pala siya itinuturing na kaibigan ng Bise Presidente.
Ani Duterte, hindi mahalaga ang personal feelings ng mga opisyal ng pamahalaan.
Noong nakaraang linggo kasi ay sinabi ni Marcos na siya ay nadismaya nang marinig na hindi ito ikinokonsidera ni Duterte bilang isang kaibigan.
“Noong narinig ko iyan ‘deception’, naisip ko pa, hindi ko na siya sasagutin… For the love of God, presidente ka na. Importante pa ba yung nararamdaman mo?” sinabi ni Duterte sa pulong balitaan.
“Talagang may panahon kang mag-isip sa deception ng isang babae d’yan? Ang dami mong oras,” dagdag pa niya.
Aniya, sa halip na ang personal na nararamdaman, dapat umanong tutukan ni Marcos ang mga isyung kinakaharap ng bansa katulad ng gutom at inflation.
“Hindi ba dapat iniisip mo yung mga taong gutom, yung presyo ng gasolina, yung darating na Christmas kung sinong maka-afford ng spaghetti, mango float, mga importante sa Noche Buena,” sinabi ni Duterte.
“Pakialam natin sa nararamdaman ng President at saka Vice President di ba?”