MANILA, Philippines – Inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Resolution No. 1217 na nag-utos sa Senate committee on public order and dangerous drugs na magsagawa ng inquiry “in aid of legislation” sa kampanya laban sa iligal na droga ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon.
Bilang vice chair ng nasabing komite, sinabi ni Go na dahil sa paglaganap ng problema sa iligal na droga at masasamang epekto nito sa bansa, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay itinulak sa pagkapangulo bunga ng kanyang masigla at matibay na paninindigan laban sa illegal drugs.
Aniya, ang kampanya laban sa iligal na droga ang naging pundasyon ng administrasyong Duterte, at nagbigay ng malakas na mensahe sa maraming Pilipino na tindigan ang pagkadismaya sa lumalalang krisis sa droga.
“Nakita naman ng mga kababayan natin ang naging mabuting dulot ng walang humpay na kampanya noon. Mas ligtas silang umuuwi sa kanilang mga pamilya na hindi nasasaktan o nababastos. Dapat lang na maipagpatuloy ang magagandang nagawa noon kung saan ang mga kriminal ang takot at tinutugis, at ang mga inosente ay nabubuhay nang tahimik,” sabi ni Go.
Gayunpaman, maraming akusasyon at seryosong paratang na naglabasan tungkol sa paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga awtoridad.
Dahil dito, sinabi ni Go na kailangang ibunyag at mabatid ang katotohanan sa mga pagtatangka na sirain ang kampanya laban sa iligal na droga.
“Our top objective is to examine the conduct of the said campaign in order for us to identify possible legislations to address the drug menace in a more holistic manner,” ani Go.
“Bukod sa paghahain ng posibleng panukala para maipagpatuloy ang kampanya kontra droga, nais rin nating mapalakas ang mga mekanismo upang maiwasan ang anumang violation o paglabag sa batas diumano sa pagtugis sa mga kriminal,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ng senador na ang pagsisiyasat ay layon ding palakasin ang iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas; bigyan ng legal na proteksyon ang uniformed personnel, magtatag ng mas maraming drug rehabilitation centers, at institusyonalisasyon ng Anti-Drug Abuse Councils, at iba pa.
“Mahalaga na balikan natin ang nasabing kampanya ng nakaraang administrasyon at suriin ang mga epektibong pamamaraan na pwedeng magamit sa kasalukuyan. Titingnan din natin ang mga iba’t ibang alegasyon hinggil sa pagpapatupad nito,” ani Go.
Sa pagninilay-nilay sa nakaraan, sinabi ni Go kung paano nagdulot ng magandang benepisyo ang war on drugs ni Duterte sa mga ordinaryong mamamayan na may matibay na paninindigan laban sa mga krimen.
“Noong panahon ni dating Pangulong Duterte, ang durugista po ang takot. At ayaw nating mangyari na ang mga durugista ay muling maghasik ng lagim,” idiniin ng mambabatas.
Sa estatistika mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ipinakita na ang bilang ng krimen sa Pilipinas ay nakabibiglang bumaba nang 73.76% sa unang limang taon ng termino ni Duterte.
Iginiit ni Go na ang pagtutulak niya sa Senado na imbestigasyon sa war on drugs ay para ipakita ang katotohanan sa likod ng kampanya, gayundin ang mga benepisyong dulot nito.
“Magiging patas po tayo sa imbestigasyong ito. Ang tanging hangarin natin ay maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino, matigil ang kriminalidad at iligal na droga, alang-alang sa kinabukasan ng mga kabataan,” paliwanag ni Go. RNT