MANILA, Philippines- Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes ang mga kakandidato sa 2025 national and local elections na iwasang mangampanya sa mga sementeryo sa Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day.
“Rather than mag-advertise o mangampanya ay tumulong sa kaayusan noong lugar lalong-lalo na po dito sa mga lugar ng mga sementeryo. Ganun din po sa paglilinis,” pahayag ni MMDA chairperson Romando Artes sa isang press conference matapos ang inter-agency meeting para sa Undas.
“So nasa kanila naman po ‘yun. Sa palagay ko naman po sa day and age ng social media especially kapag nakikita naman po ‘yung mga ganyan naba-bash so baka mag-backfire din sa kanila,” dagdag niya.
Nang tanungin kung papayagan ang mga politiko na magdadala ng mga banner at streamer na makapasok sa mga sementeryo, sinabi ni Artes na depende ito sa kanila hangga’t sumusunod sila sa ordinansa ng kaukulang local governments.
“Nasa kanila na po ‘yan kung gusto nilang mag-set up ng tent mamigay ng tubig nasa kanila po ‘yan. Hindi naman po natin pagbabawalan so long as hindi po nakakaabala sa traffic, sa galaw rin ng mga tao at ng mga sasakyan,” ayon sa opisyal.
Sinabi ng Commission on Elections (COMELEC) na nakatakda ang campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups mula Pebrero 11 hanggang Marso 10, 2025.
Samantala, ang campaign period para sa mga kandidato para sa House of Representatives at parliamentary, provincial, city, at municipal posts ay kasado mula Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025.