Home NATIONWIDE Tolentino: Nabarahang kalsada linisin para sa relief ops

Tolentino: Nabarahang kalsada linisin para sa relief ops

197
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa pribadong sektor na tumulong sa paglilinis ng mga nabarahang kalsada, partikular sa Maharlika Highway sa bayan ng San Fernando, Camarines Sur na dulot ng malawakang pagbaha na dala ng bagyong Khristine upang mapabilis ang paghahatid ng relief goods sa mga nasalanta.

Sinabi ni Tolentino na ang tulong ng pribadong sektor sa paglilinis ng daan ay maaaring magpabilis sa paghahatid ng agarang relief goods sa mga komunidad na nilubog ng matinding pagbaha sa mga lokalidad ng catch basin area ng Bicol.

Partikular siyang umapela sa mga kumpanya tulad ng mga construction company na may heavy equipment at resources para linisin ang baradong bahagi ng Maharlika Highway, Asian Highway 26 (AH26) sa Camarines Sur, na tumatawid sa pagitan ng Bicol region at Metro Manila.

Nakarating sa senador na ang mga truck na may dalang relief goods ng mga institusyong tulad ng Philippine Red Cross, Metro Manila Development Authority (MMDA), at iba pang civil society groups at network ay stranded pa rin sa bayan ng Milaor, 15km hilaga ng Naga City.

“Ako ay umaapela sa pribadong sektor, lalo na sa mga construction firm na may heavy equipment, na tumulong sa pagtanggal ng bara sa pangunahing kalsada na papunta at galing sa Metro Manila, kahit isang lane, para bigyang-daan ang mga sasakyang may dalang relief goods na makarating sa survivors ng malawakang pagbaha sa Camarines Sur,” sabi ni Tolentino.

Mula noong Oktubre 21, daan-daang sasakyan na bumiyahe sa timog mula Metro Manila patungo sa mga lalawigan ng Bicol, Visayas, at Mindanao, gayundin ang iba pang lokal na sasakyan ay na-stranded at humarang sa highway para sa mga relief operations.

Nakatanggap si Tolentino ng ulat mula kay Mayor Cris Lizardo, na tumawag sa kanya at nag-update sa senador sa malawakang pagbaha sa Bicol River Basin sa bayan ng Minalabac sa lalawigan ng Camarines Sur at sa sitwasyon ng trapiko sa Maharlika Highway.

“Maraming tulong, mayor, parating; marami nagpapadala ng tulong at may mga nandiyan na, kaya lang hindi makadaan…yong (problema sa) accessibility, ang problema kung papano idi-deliver kasi barado na iyong daan,” paniniyak ni Lizardo.

Sinabi ng alkalde kay Tolentino na ang parehong dulo sa pagitan ng bayan ng Milaor at Naga City, mga apat na kilometro ang haba at lubog pa rin sa tubig hanggang Sabado ng umaga, ay barado ng mga sasakyang patungo sa hilaga at timog ng Bicol.

Inilarawan ni Lizardo ang lawak ng trapiko sa diversion road sa Naga City na patungo sa hilaga sa bayan ng Milaor, kung saan ang isang marine soldier na kalahok sa rescue operation ay halos hindi makasiksik sa pagitan ng mga sasakyan gamit ang kanyang backpack.

Sinabi ng alkalde na ang mga sasakyan ay nakatambak sa magkabilang dulo ng baha na highway bilang pag-asam sa pag-urong ng tubig-baha na pumuputol sa pangunahing arterya sa pagitan ng rehiyon ng Bicol at ng mga rehiyon sa timog at hilaga patungo sa kabisera ng Pilipinas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here