MASASABI nating kakaiba at bibihira ang katulad ni super bagyong Yolanda na may 7-metrong storm surge o daluyong at dahilan ng pagkamatay ng nasa 8,000 katao sa Leyte-Samar noong Nobyembre 8, 2013.
Gayundin ang Ormoc tragedy na nilikha ng flash flood at nabitak na bundok dahil kay bagyong Uring na ikinamatay ng 5,000 katao rin noong Nobyembre 5, 1991.
Pero ang katulad nina bagyong Ondoy, Kristine at Pablo, hindi masasabing bibihirang mangyari.
Si Ondoy pumatay ng 710 noong Setyembre 26, 2009; si Kristine, mahigit nang 100 ngayong araw; at si Pablo 1,067 noong Nobyembre 25, 2012;
Isama na rin natin si Carina na bumira sa buong Pinas makaraang mag-State of the Nation Address si Pangulong Bongbong Marcos nitong Hulyo 2024.
Pinag-uusapan natin ang mga mga pag-ulan ng mga bagyong ito na nagdulot ng mga grabeng pagbaha at nagiging pangkaraniwan na ngayon.
Kung bakit diniriian nating pangkaraniwan na ang mga ito, eh, nangangahulugang dapat na masanay na tayo sa ganitong klaseng mga bagyo.
Pero dapat na nating itaas ang antas ng pakikipaglaban sa ganitong uri ng panahon dahil labis silang mapaminsala.
Akalain mo, bukod sa pagpatay ng marami, sinisimot din ng mga bagyong ito dahil sa bahang dulot nila ang ating mga ari-ariang ating mga pinagpapaguran at pinupundar nang matagal na panahon.
Saglit lang kung lusawin nila ang ating mga buhay at ari-arian.
Pero paano itaas ang antas ng laban natin dito?
Heto, dapat nang pigilin na pagnanakawin ng mga korap na opisyal ng gobyerno ang mga pondo laban sa bagyo at baha.
Dapat nang magbantay at makilahok ang mga mamamayan sa pagbabantay laban sa mga korap at mandarambong.
Isipin na lang ang tanong ng mga senador, “Saan dinala ng mga opisyal ng gobyerno ang nasa P500 bilyon pondo laban sa baha sa nakalipas lamang na tatlong taon?”
Ngayong, mayroon ulit P500B anti-flood para sa 2025 hanggang 2037 na dapat ding bantayan.






