NOVEMBER 6, 2026 ang mandatory retirement ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo. Dahil dito, magkakaroon ng pagkakataon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng bagong Chief Justice. Karaniwan, isa sa mga nakaupong mahistrado ng Supreme Court ang napipisil, at ilan na rin sa mga justice ang inimbitahang mag-apply para sa posisyon.
Pero may isang pangalan mula sa labas ng Korte na prominently mentioned—OMBUDSMAN JESUS CRISPIN “BOYING” REMULLA.
Kung sakaling mag-apply siya at mapasama sa shortlist, tiyak na magiging kontrobersyal ang kanyang nominasyon. May legal background naman si Remulla na maaaring tumugon sa qualifications para sa posisyon.
Pero hindi iyan ang pinaka-importanteng tanong.
Kung mapunta si Remulla sa Supreme Court at iwan niya ang Ombudsman, ano ang mangyayari sa mga kasong kasalukuyang hinihintay ng publiko—kabilang ang kaso laban kina Martin Romualdez at iba pa kaugnay ng flood control scandal?
Mauuna ba niyang resolbahin ang mga kasong iyon bago siya lumipat sa Korte Suprema? O maiiwan na lamang ang mga ito sa kanyang papalit?
At higit sa lahat, sino ang magiging bagong Ombudsman?
Dito masusukat kung gaano kaseryoso ang administrasyong Marcos sa pananagutan sa flood control scandal.
Matatandaang naging emosyonal pa ang Pangulo sa kanyang SONA(State of the Nation Address) nang banggitin niyang ikinalulungkot niyang nadadamay ang kanyang pinsan. Ngunit papalapit na naman ang Pasko, at hanggang ngayon, nasaan ang mga pangunahing napananagot?
Maging ang pagbawi nina Marine Orly Guteza at ng kanyang mga kapwa Marines sa kanilang naunang affidavit laban kay Romualdez ay hindi pa rin nagbigay ng malinaw na sagot sa publiko.
Kung lilipat nga si Remulla sa Supreme Court, parang way out na rin ba ito sa mga kasong nasa kanyang tanggapan? Panibagong Ombudsman, panibagong pag-aaral, panibagong proseso—at posibleng panibagong paghihintay.
Kaya ang tanong: Talaga bang kakasuhan si Romualdez, gaya ng mga pahayag ni Remulla? O palabas lamang ang lahat?
At habang naghihintay ang bayan ng hustisya, may tanong na mas mabigat:
May mapapala pa ba tayo sa administrasyong Marcos, o 2028 na naman ang magiging sagot sa lahat?






