Home OPINION SA SENADO, CONTEMPT; SA SC, DISBAR

SA SENADO, CONTEMPT; SA SC, DISBAR

1
0

KUNG ang Senado ang masusunod pagdating sa pagdidisiplina o disbarment ng mga abogadong kumakatawan sa kanilang mga kliyente, malamang ay may ilang madi-disbar dahil sa kani-kanilang mayayabang na asal at pahayag.

Ang mamamayan mismo ang nakapapansin kung paano umasta ang ilang abogado na tila akala mo kung sinong matapang at walang kinatatakutan.

Partikular na binatikos ang isang abogado mula sa Norte na kung makapagbitaw ng insulto laban kay PBBM ay akala mo siya lamang ang magaling. Kung makasipsip naman sa mga kalaban ng administrasyon, akala mo hawak niya ang buong bayan—at ipinangangalandakan pa na kaya raw nilang isakripisyo ang kanilang buhay huwag lamang matalo ang kalaban ni PBBM.

Pero sa usapin ng disbarment, hindi sapat ang pagiging maingay, mayabang o kontrobersyal para basta tanggalan ng lisensya ang isang abogado. May proseso at sapat na batayan bago ipataw ang pinakamabigat na parusa.

Ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magdisbar o magpataw ng parusa sa mga abogado na lumalabag sa CPRA (Code of Professional Responsibility and Accountability).

Kabilang dito ang gross misconduct—paggamit ng marahas, bastos o mapanirang pananalita laban sa kapwa, kliyente o publiko.

Maaari ring magkaroon ng pananagutan ang abogado dahil sa contemptuous statements, lalo na kung nagpapakalat ng walang basehang akusasyon o tahasang bumabastos sa mga hukom at hudikatura na maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa hustisya.

Kasama rin sa CPRA ang responsableng paggamit ng social media. Hindi nawawala ang propesyonal at etikal na pananagutan ng isang abogado dahil lamang sa Facebook, X o iba pang plataporma ang kanyang ginagamit.

Gayundin, dapat maging maingat ang mga abogado sa mga pahayag tungkol sa mga nakabinbing kaso, lalo na kung ang kanilang mga komento ay maaaring makaimpluwensya sa proseso o makasira sa integridad ng paglilitis.

Kaya hindi masamang maging palaban ang isang abogado. Bahagi ng kanyang tungkulin ang ipagtanggol ang kanyang kliyente.

Pero may hangganan ang tapang.

Ang abogado ay maaaring maging matapang sa argumento, ngunit hindi dapat maging abusado sa asal.

At kung may lumampas sa hangganan, hindi Senado ang magdidisiplina—Korte Suprema ang magpapasya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here