Home OPINION NANGANGAMOY IMPEACHMENT?

NANGANGAMOY IMPEACHMENT?

138
0

SA nakalipas na mga linggo, ang drama tungkol kay Vice President Sara Duterte ay tinampukan ng pagpapalitan ng mga batikos sa pagitan niya at kanyang mga dating kaalyado sa pulitika na ngayon ay kaaway na niya.

Mangilan-ngilan lang ang nakapapansin na natatabunan na ng mga ganitong eksena ang mga aktuwal na usaping pinag-ugatan ng konteksto kung bakit importanteng kwestyunin ang kanyang position of authority.

Malinaw at makatwiran ang puntong inilatag ni Rep. Joel Chua at ng House Committee on Good Government and Public Accountability para ipaliwanag ng Bise Presidente ang mga naghuhumiyaw na iregularidad sa pangangasiwa ng kanyang tanggapan sa confidential funds nito.

Ayon sa komite, tatlong punto ang nagsisilbing hamon sa kakayahan niyang maglingkod sa puwesto at ito ang mga dahilan kaya pabor ang ilang mambabatas na magsulong ng impeachment laban sa kanya.

Una, ang paggastos umano ng OVP ng P16 milyon sa 34 na “safehouses” sa loob lang ng 11 araw ay lubhang kahina-hinala na may anomalya. Ayon sa komite, ang arawang renta raw sa mga safehouse na ito ay nagkakahalaga ng P250,000 hanggang P1 milyon.

Kung nakabibiglang malaman ang mga halagang ito, nakapagsususpetsa naman ang mga dokumentong sumusuporta sa paggastos na ito. Natuklasang ang pangalan ng mga benepisyaryo na nasa sinasabing resibo ay hindi mabasa habang initials na lang ang iba, nagpalala ng hinala kung totoo nga bang ginastos ang pondo sa paraang iginigiit ng OVP.

Pangalawa, nariyan ang nawawalang P15 milyon na inilaan daw sa “youth leadership summits” sa tulong ng Department of Education, at ang pondo ay sinasabing inilipat sa Philippine Army.

Ang problema sa lipat-pondo na ito sa panahong si Inday Sara ang kalihim ng DepEd, mariing itinanggi ng mga opisyal ng Army na natanggap nito ang nasabing pondo. Una nang sinertipikahan ng Commission on Audit  ang paglalabas ng nasabing pondo, pero matapos na kapwa itanggi ng Army at ng mga local government units na natanggap ng mga ito ang pondo, ang tanong ngayon: saan napunta ang pera?

Kung mayroon mang indikasyon na may nangyayaring hocus pocus sa tanggapan ng VP, ito ang pagtutol ng COA sa paggastos niya ng P73 milyon mula sa kanyang confidential funds, bahagi ng mas malaking P125 milyon na inubos nang wala pang dalawang linggo, sinabing ang paggastos na iyon ay “irregular, unnecessary, excessive, extravagant, or illegal.”

Inutusang ibalik ang pera, nahaharap ngayon ang tanggapan ni Duterte sa mga katanungan kung kahit paano ay responsable ba niyang ginagastos ang pera ng taumbayan.

Sa ngayon, patuloy na iniiwasan ng kanyang tanggapan ang usaping ito at naninindigan sa estratehiya na ilihis ang isyu mula sa kanya sa pamamagitan ng mga kakaiba at hindi na tamang pahayag laban sa First Family at sa malalapit na kaalyado ng Pangulo. Pero hindi mabubura ng mga ito ang pagkwestiyon ng publiko sa tamang paggastos at pangangasiwa ni Duterte sa pondo ng bayan.

Hindi pa siya tinutuluyan ng sinoman mula sa Kamara, pero pasasaan ba at maoobliga siyang harapin ang kanyang pinakaiiwas-iwasan. May araw din ng pananagutan.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here