Home OPINION SARILING BANGKA, PROTEKSYON SA MALAWAKANG PAGBAHA 

SARILING BANGKA, PROTEKSYON SA MALAWAKANG PAGBAHA 

184
0

LUBHANG napakalaki nang idinulot na pinsala ng bagyong Kristine. Tinatayang nasa 116 ang naiulat na nasawi,  39 ang nawawala at 109 ang sugatan ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC. Umaabot naman sa Php4B ang halaga ng mga ari-ariang nasira.

Hayyy, paulit-ulit na lang tayong dinadaluyong ng kalamidad at paulit-ulit din ang ating katanungan kung bakit magpahanggang ngayon ay hindi malunasan ang malawakang pagbaha at iba pang problemang idinudulot ng bawat unos.

Sa kabila ng bilyon-bilyong pondo, marami sa ating mga kababayan ang naniniwalang hindi pa rin mabisa at lubos na epektibo ang implementasyon ng programa ng pamahalaan na may kaugnayan sa kaligtasan ng ating mga kababayan mula sa kalamidad.

Para maging patas, totoong may sistema sa kahandaan ang local government unit at nasyonal pero ang isang malaking tanong-bakit parang walang pagbabago at malubha pa rin ang epekto ng kalamidad sa ngayon? Lumang tugtugin na kung isisisi pa sa climate change ang problemang ito.

Nasaan kaya ang pagkukulang? Sa pamamahala kaya ng LGU o nasyonal? Naisagawa kaya ng wasto ang mga nasa papel o dokumento tulad ng updated na flood control management plan, vulnerability study, disaster risk reduction management plan, hazard identification, risk assessment and control, emergency rescue and evacuation plan at iba pa?

Hindi pa man lubos ang ating pagbangon pero mas mabuting mag-isip-isip na tayo ng sariling pamamaraan partikular yung mga nasa lugar na alanganin at laging dinadaanan ng bagyo. Mas mainam sa ngayon na tayo na mismo ang magkusa at gumawa ng agarang solusyon kung paano natin maisasalba ang ating pamilya sa mga darating pang mga unos. Napakasuwerte natin kung may ganitong pagkukusa at kahandaan ang LGU na nakasasakop sa atin kaya nararapat ding pasalamatan at saluduhan ang kanilang competence at pagmamalasakit.

Isang magandang simulain ang pagkakaroon ng sariling emergency plan at karagdagang inisyatibo base sa mga best practice na mapag-aaralan natin mula sa internet, tips mula sa pamahalaan na may kaugnayan sa pangkaligtasan sa panahon ng kalamidad para masiguro ang proteksyon ng ating pamilya. Kailangan nating itong isagawa habang naghihintay ng rescue mula sa LGU at nasyonal.

Maglaan ng kaunting panahon at pera para makabili o makagawa ng sariling bangka at Go-Bag kit na may lamang malinis na inuming tubig, flashlight, gamot, kumot, mga pagkaing matagal mapanis at iba pa bilang paghahanda sa mga susunod na malawakang pagbaha.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here