MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na paghuhusayin pa ang pagsisikap ng disaster risk reduction (DRR) sa local at national level matapos dumanas ng malawakang pagbaha dahil sa kamakailan lamang na epekto ng mga bagyo.
Sa isang vlog na naka-post sa social media, sinabi ni Pangulong Marcos na milyong mamamayang Pilipino ang apektado habang bilyong halaga naman ng pinsala ang naitala sa sektor ng imprastraktura at agrikultura dahil sa kamakailan lamang na pananalasa ng mga bagyo, na pinalala ng climate change.
Sa ulat, ang Severe Tropical Storm Kristine (international name Trami) ang sanhi ng malawakang pagbaha sa Bicol region na dahilan ng deklarasyon ng suspensyon ng klase at trabaho sa gobyerno sa Luzon noong nakaraang linggo.
Ngayon lamang linggo, hinagupit naman ng Typhoon Leon (international name Kong-Rey), isang super typhoon ang northern Luzon, lalo na ang Batanes province.
Ang pagiging ‘vulnerable’ ng bansa sa sakuna, kalamidad at climate change, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan na paghusayin ang pagpaplano ng infrastructure projects, habang ang DRR efforts ay nakatuon naman para pagaanin ang epekto ng mga komunidad.
“Ang mabili na pagresponde sa mga nasalanta ay mananatiling prayoridad natin. Kasama ang DSWD, DND, DPWH, DILG at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, maaasahan ninyong pagtitibayin pa ang ating national at local disaster risk reduction at response,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Kaya kailangan natin maging magaling sa larangan na ito. Disaster risk reduction, both the public at saka private sector. Para naman mabawasan ang mga napapahamak sa mga ganitong uri ng sakuna,” dagdag na wika nito.
Taon-taon, may 20 bagyo ang pumapasok at nananalasa sa Pilipinas, palaging napupuntirya ang puso ng Pacific typhoon belt.
Tiniyak naman ng Pangulo sa publiko na palaging nakahanda ang pamahalaan na magkaloob ng kinakailangang tulong para tulungan ang mga apektado ng kamakailan lamang na mga bagyo.
“Naririnig namin ang inyong saklolo at ginagawa namin ang lahat upang mailagay kayo sa mas mabuting kalagayan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Sa isang Bagong Pilipinas, lalo pa natin pagbubutihin ang ating pagtugon sa hamon ng climate change.”
“Upang, una, mabawasan ang kaswalidad sa bawat sakuna; pangalawa, upang mabawasan ang bilang ng mga tao at pamilyang naaapektuhan; at pangatlo, upang maprotektahan ang mga maliliit na komunidad at ang mga kabuhayan nila dito,” dagdag ni Pangulong Marcos. Kris Jose