MANILA, Philippines- Sinimulan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Rehiyon 5 (Bicol) ang pamamahagi ng P30.8 milyong cash-for-work na sahod sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Displaced Workers (TUPAD) sa mga workers-beneficiaries na apektado ng bagyong Kristine.
Sinabi ni DOLE-Bicol director Imelda Gatinao na ang pamamahagi ng sahod sa ilalim ng emergency employment program ng gobyerno ay nagsimula noong Oktubre 28 at tatakbo hanggang Nobyembre 5, hindi kasama ang Nobyembre 1 hanggang 3.
Ang paunang pagbabayad na nagkakahalaga ng P30.83 milyon ay iginawad sa 7,249 apektadong manggagawa-benepisyaryo sa mga tinukoy na lugar sa mga munisipalidad ng Albay, Camarines Sur, Masbate, Sorsogon, at Catanduanes mula Oktubre 29 hanggang 30.
Sabay-sabay na isinagawa ang unang payout noong Oktubre 29 sa Camalig, Albay, kung saan 818 benepisyaryo ang tumanggap ng kanilang sweldo na nagkakahalaga ng P3.2 milyon; sa Lupi, Camarines Sur, 240 benepisyaryo (P948,000); San Jose, Camarines Sur, 248 benepisyaryo (P979,600); San Fernando, Masbate, 384 benepisyaryo (P3.03 milyon); Masbate City at Mandaon, 182 benepisyaryo (P718,900); at San Miguel, Bato, at Virac sa lalawigan ng Catanduanes, 107 benepisyaryo (P422,650).
Ang isa pang payout activity ay sabay-sabay na isinagawa noong Oktubre 30, sa Camalig, Polangui, Tabaco City, Tiwi, Jovellar, Guinobatan, at Oas sa lalawigan ng Albay, na may 4,274 benepisyaryo na nakatanggap ng P16.8 milyon.
Sa Masbate City, 182 benepisyaryo ang nakatanggap ng sahod na nagkakahalaga ng P718,900; habang 218 benepisyaryo ang nakatanggap ng P1.3 milyong halaga ng sahod sa Catanduanes.
Sa Bulusan, Bulan, Irosin, at Gubat sa lalawigan ng Sorsogon, may kabuuang 596 benepisyaryo ang nakatanggap ng P2.6 milyong tulong.
Tiniyak ng opisyal ng DOLE na patuloy na ipaaabot ng gobyerno ang mga kinakailangang tulong tulad ng pagbibigay ng emergency na trabaho sa ilalim ng TUPAD upang matulungan ang mga manggagawa at kanilang pamilya na makabangon sa epekto ng anumang sakuna o kalamidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden