MANILA, Philippines – Upang maibsan ang epekto ng kalamidad sa bansa, naglatag na ang QC LGU ng mga proyekto para matugunan ang epekto ng malalakas na pag-ulan sa flood prone areas sa lungsod.
Sa ginanap na QC Journalists’ Forum, sinabi ni QC DRRMO spokesperson Peachy de Leon na may apat na silang proposed project sa lungsod kabilang ang Tuloy ang Daloy program na nakatuon sa improvement ng mga drainage para maging flood resistant at climate resilient.
Kasama rin dito ang Palangganang panglungsod na patungkol sa pagbuo ng malawakang water basin. Katunayan, mayroon na aniyang dalawang natukoy na lugar na pagtatayuan ng naturang proyekto kabilang sa Brgy. Sta. Monica sa District 5 at Tandang Sora sa District 6.
Sinabi pa ni De Leon na mayroon ding water retention project na tinawag na salong tubig project na magoobliga sa mga barangay na magkaroon ng catch basin at Project SEEP para sa sustainable permeable pavement.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Quezon City Council, sa pangunguna ni QC Committee on Disaster Risk Reduction Chair at District 1 Coun. Charm Ferrer ang suporta sa mga proyektong tutugon sa epekto ng mga disaster sa pamamagitan ng mga resolusyon at ordinansa.
“Patuloy ang mga ginagawang programa ng lokal na pamahalaan upang maibsan ang epekto ng kalamidad’ ayon pa kay Ferrer.
Sinabi pa ni Ferrer na pinagaaralan na rin ng QC council maging ang pagdaragdag ng evacuation centers sa lungsod.
Dagdag pa nito, may nakalaan nang 5% sa bawat pondo ng mga barangay na maaaring gamitin sa pagtugon sa anumang kalamidad. (Santi Celario)