MANILA, Philippines – Masusing pinag-aaralan na ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang limitadong pag-aangkat ng mga puting sibuyas at piling gulay, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ito ay matapos ang pananalasa ng magkakasunod na malalakas na bagyo na nakaapekto sa karamihan sa mga rehiyong gumagawa ng gulay sa kabundukan at mababang lupain sa Luzon.
“Nakikita ko, kailangan kong mag-import ng white onion dahil tumaas from PHP80 to PHP120 ngayon sa merkado eh dahil sa mga bagyo. ” ani Tiu Laurel sa isang ambush interview.
Ayon sa DA-Bantay Presyo (price monitoring), ang umiiral na presyo ng lokal na puting sibuyas sa Metro Manila ay mula PHP80 hanggang PHP140 kada kg.; habang ang mga presyo ng imported na medium-size na puting sibuyas ay mula PHP65 hanggang PHP160 kada kg., simula noong Miyerkules.
Noong Agosto, inaprubahan ng DA ang pag-aangkat at mga by-batch na pagdating ng 16,000 metrikong tonelada ng puting sibuyas upang matiyak ang matatag na suplay sa tahanan.
Maliban sa mga puting sibuyas, binanggit din ng DA chief ang posibleng pag-aangkat ng mga gulay sa sandaling makita ng patuloy na pagtatasa ang pangangailangan.
Nitong Miyerkules, tumalon ang presyo ng carrots sa Metro Manila sa PHP150 hanggang PHP230 kada kg., mas mataas sa PHP130 hanggang PHP160 kada kg. noong Oktubre 21;
Ang mga presyo ng kamatis ay tumaas din sa PHP150 hanggang PHP230 kada kg., mula noong nakaraang buwan ay PHP100 hanggang PHP170 kada kg. (Santi Celario)