MANILA, Philippines – Hindi lamang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) kundi maging ang umano’y banta laban din sa kanya.
“She is also claiming that there is a threat on her life. Hindi namin ite-take for granted ‘yan,” sabi ni NBI Director Jaime Santiago sa press briefing.
Si Duterte ay hindi nakasipot ngayong araw sa NBI upang ipaliwanag ang kanyang pahayag na ipapapatay ang first couple at House Speaker Martin Romualdez at sa halip ay ang kanyang abogado ang nagbigay ng liham sa NBI na humihiling na i-reschedule ang pagdinig.
Samantala, maglalabas din ang NBI ng subpoena laban sa humigit-kumulang 10 indibidwal na kalahok sa press conference kung saan ipinahayag ni Duterte ang pagbabanta.
“‘Yung mga nag-ask ng questions, ‘yung mag nakipag participate. Pero ‘yung nandoon lang, nasa Zoom meeting lang, naka nganga lang ng ganyan, hindi na namin isu-subpoena ‘yun,” sabi ni Santiago.
Nilinaw din ni Santiago na hindi kakasuhan ng NBI ang mga indibidwal na ito. Nauna rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi siya sumusuporta sa anumang impeachment plan laban kay Duterte. Jocelyn Tabangcura-Domenden