BIGLANG ikot ng “360 degrees” si Pangulong Bongbong Marcos matapos niyang sabihin na iniutos niya sa Kongreso na huwag nang sampahan ng impeachment complaint si Vice President Sara Duterte, ang dati niyang bespren at ngayo’y “matalik na kaaway”.
Ang sabi ni Pangulong Marcos, “unimportant” at aksaya lang sa oras si VP Sara kaya huwag na lang sampahan ng Impeachment, sa halip ay ituon na lang ng Kongreso ang panahon sa paggawa ng importanteng batas na makatutulong sa pagsulong ng bansa.
Sumunod naman agad ang mga kongresista sa utos ng PBBM. Aba’y biglang sinabi na wala sa kanilang pangunahing adyenda ang pag-impeach kay VP.
E sino ba ang niloloko at pinaniniwala nila?
Hindi ba’t gigil na gigil ang mga “bayarang kongresista” na mapatalsik si VP Sara sa poder.
Kanya nga kung ano-anong imbestigasyon “ek-ek” ang kanilang ginagawa para wasakin ang kredibilidad ni VP Sara. Ito ang tunay na pag-aaksaya sa oras at pera ng taumbayan.
Kung mawawala sa poder si VP Sara, matutuwa ang “boss” ng mga kongresista na si Speaker Martin Romualdez na nag-ambisyong susunod sa kanyang pinsan sa Palasyo ng Malacañang. Mawawala ang tinik at hadlang sa daraanan ni Romualdez kapag wala na sa kapangyarihan si Sara.
Bagama’t si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang “next in line” kapag napatalsik si VP Sara, nasa Pangulo pa rin ang kapangyarihan kung sino ang nais niyang maging bise-presidente.
E sino pa ba ang kanyang pipiliin kundi ang kanyang pinsan na si Martin para nga naman sila-sila na sa pamilya ang maghari sa bansa?
Pero sa utos ngayon ng Pangulo na huwag nang ituloy ang pagpapa-impeach kay VP Sara, para niyang ipinahiya ang kanyang pinsan. Malamang ay nagmamaktol ito sa “gedli-gedli”. Lalong gigil na gigil.
At sa “utos” ni PBBM sa kanyang mga alipores sa Kamara, lumitaw ang ilang katotohanan – na sadyang isa siya sa nasa likod ng mga kilos ng kongresista para wasakin si VP Sara. Hindi totoo ang “separation of powers” o hiwalay ang kapangyarihan ng ehekutibo at lehislatibo.
Kung hindi ito totoo, bakit siya susundin ng mga kongresista sa balak na pagpapatalsik sa Pangalawang Pangulo sa pamamagitan ng impeachment?
Pero hindi dapat magpakakampante ang kampo ni VP Sara dahil iniutos ni PBBM sa Kongreso na huwag nang i-Impeach ang bise-presidente.
Napakagaling ng gobyernong ito sa paninira at pag-iimbento ng mga senaryo para sa kanilang pansariling interes. Tiyak akong may ibang binabalak ang mga yan.
Alam n’yo naman ang mga buwitre at mga buwaya, hindi sila tumitigil hanggang hindi sila nabubusog sa kanilang kasibaan. (Nabubusog pala sila? Ay, oo nga.. Tulog o tahimik sila kapag busog. – Ed)






