MANILA, Philippines- Bunsod ng pagdiriwang ng bansa ng National Women’s Month, nananawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lahat ng Pilipino na aktibong iulat ang mga kaso ng karahasan sa tahanan, kabilang ang karahasan sa kababaihan at mga bata (VAWC), karahasang nakabatay sa kasarian (GBV), at iba pang uri ng pang aabuso.
“Hindi dapat kailanman maramdaman ng mga kababaihan na nag iisa sila sa kanilang pakikibaka laban sa pang aabuso, at dapat nilang malaman na may karapatan silang mabuhay ng walang karahasan. Hinihikayat namin ang mga kababaihan na tumulong, mag ulat ng mga kaso ng karahasan, at ma access ang mga serbisyong makukuha nila dahil ang VAWC ay isang krimen,” pahayag ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao noong Marso 5.
Ayon sa DSWD maaaring i-report ng publiko ang mga kaso ng VAWC sa ilang channels, kabilang ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Public Attorney’s Office (PAO), Council for the Welfare of Children (CWC) Makabata Helpline, at kanilang lokal na Barangay VAW desks.
Sinabi pa ng DSWD bilang bahagi ng tema ng National Women’s Month ngayong taon, “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas,” hinihikayat ng DSWD, bilang chair ng Inter Agency Council on Violence Against Women and their Children (IACVAWC), ang mga biktima ng VAWC na humingi ng tulong sa pag access sa mga mahahalagang serbisyo na tumutulong sa kanila na muling maitayo ang kanilang buhay.
Sa pamamagitan ng mga center at residential care facilities (CRCFs) nito, sinabi ni Dumlao na nag aalok ang DSWD ng komprehensibong social protection packages para sa mga nakaligtas sa domestic violence at GBV, kabilang ang psychological support, rehabilitation, home care, at skills training.
“Nagbibigay kami ng tulong pinansyal, medikal, at pang-edukasyon; psychosocial counseling: at referral sa iba pang concerned institutions tulad ng PAO,” ani Dumlao.
“Sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos, layunin ng DSWD na lumikha ng mas ligtas na espasyo para sa kababaihan at matiyak na ang karapatan ng bawat babae at bata ay iginagalang, pinoprotektahan, at itinataguyod,” dagdag pa nito.
Ang Batas Republika Bilang 9262, o ang Anti VAWC Act of 2004, ay tumutukoy sa pagbibigay proteksyon at karapatan ng kababaihan at mga bata. Santi Celario