Home NATIONWIDE Parusa sa mga nagkasala ng unjust vexation at slight physical injuries, binago...

Parusa sa mga nagkasala ng unjust vexation at slight physical injuries, binago ng SC

225
0

MANILA, Philippines – Binago ng Supreme Court ang parusa para sa isang indibidwal na napatunayang nagkasala ng slight physical injuries at unjust vexation. Mula sa 30 araw na pagkakakulong, ginawa na lamang itong community service.

Inilapat ng desisyong ito ang Republic Act No. 11362, na kilala bilang Community Service Act, na naglalayong pahusayin ang pakikilahok sa pampublikong gawain at hikayatin ang serbisyo publiko, na umaayon sa pangako ng Estado sa restorative justice at bawasan ang pagsisikip sa kulungan.

Sa isang Resolusyon na isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, pinagbigyan ng Second Division ng Korte ang hiling ng akusado na baguhin ang kanyang sentensiya.

Sa rekord ng korte, ang akusado ay hinatulan noong 2016 ng Metropolitan Trial Court (MeTC) at sinentensiyahan ng 15 araw na pagkakulong at PHP 5,000 bilang moral damages para sa slight physical injuries, at 15 araw na pagkakakulong at P200 na multa para sa unjust vexation. Pinagtibay ng Regional Trial Court, Court of Appeals, at SC ang kanyang conviction.

Samantala, nagkabisa ang Community Service Act noong Agosto 8, 2019, na nagpapahintulot sa mga korte na palitan ang mga short-term na sentensiya sa pagkakakulong (mula 1 araw hanggang 6 na buwan) ng serbisyo sa komunidad sa ilalim ng mga terminong itinakda ng korte, na isinasaalang-alang ang kabigatan ng krimen at mga pangyayari ng kaso.

Samantala, ang A.M. No. 20-06-14-SC o Guidelines for the Community Service Act ay naging epektibo noong Nobyembre 2020.

Naghain ang akusado ng motion for reconsideration na humihiling sa SC na ilapat ang batas na ito sa kanyang sentensiya.

Nagpasya ang Korte Suprema pabor sa kanya at sinabi na ang batas penal na may pakinabang sa akusado ay maaaring ilapat nang retroaktibo maliban kung ang akusado ay isang habitual offender.

Inatasan nito ang MeTC na magsagawa ng mga pagdinig upang matukoy ang bilang ng mga oras na dapat magtrabaho ang akusado at ang tagal ng panahon kung saan niya dapat tuparin ang serbisyo sa ilalim ng pangangasiwa ng isang probation officer na itinalaga ng korte. TERESA TAVARES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here