MANILA, Philippines – SUGATAN ang dalawang trabahador nang sumabog ang malaking tangke na kanilang kinukumpuni Biyernes sa Valenzuela City, Biyernes ng umaga, Marso 14.
Agad naman naisugod sa pinakamalapit na pagamutan at kasalukuyang nagpapagaling na ang mga biktimang edad 42 at 27, matapos magtamo ng pinsala sa iba-t-ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat, gumagamit ng acetelyne ang dalawang lalaking biktima sa pagkukumpuni sa malaking tangke sa F. Santiago St. Brgy. Veinte Reales, nang bigla itong sumabog na ikinagulat ng mga residente sa lugar.
Kaagad naman silang tumawag sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangambang lumikha ng sunog ang pagsabog bagama’t wala namang inabutang pagsiklab ng apoy ang rumespondeng mga bumbero.
Ayon sa ilang residente, sa lakas ng pagsabog ay tumalsik pa ng ilang metro ang isa sa mga biktima.
Nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang mga awtoridad upang alamin ang dahilan ng nangyaring pagsabog at kung ano ang posibleng pananagutan ng may-ari ng kompanyang pinaglilingkuran ng nasugatang trabahador. Merly Duero