Ipinagpatuloy ng Senate Justice and Human Rights Subcommittee na pinamumunuan ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang kanilang imbestigasyon sa iba't ibang isyu kaugnay ng pagtakas ng tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, mga anomalya na kinasasangkutan ang Bureau of Immigration (BI) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), mga alalahanin tungkol sa espionage, at ang patuloy na problema ng human trafficking patungo sa mga scam compounds. Cesar Morales
MANILA, Philippines – May dahilan na si dating presidential spokesperson Harry Roque na bumalik sa bansa ngayong inisyu na ang arrest orders laban sa kanya, maging kina Cassandra Li Ong, at iba pang personalidad na sangkot sa Philippine offshore gaming operations (POGO) hub sa Porac, Pampanga, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng Regional Trial Court (RTC) sa Angeles City ng warrant of arrest laban kay Roque at Ong na incorporator ng Whirlwind Corp.
Inisyu rin ng korte ang arrest order laban sa ninong ni Ong na si Duanren Wu, isang Chinese businessman na iniulat na pugante sa China.
“Harry Roque must be compelled to return to the Philippines. If he doesn’t, not only would he be evading an arrest order from Congress, he would also be defying a lawful order from a court,” ani Hontiveros nang hingan ng komento tungkol sa isyu.
“Abogado siya kaya alam niya na mali ang ginagawa niyang pag-iwas sa batas,” dagdag pa niya.
Sa pagdinig ng Senado sa illegal POGO sa bansa, nadiskubre na si Roque ay may kaugnayan kay Li Duan Wang, isang Chinese junket operator ng 9Dynasty.
“These dubious personalities seem to be interconnected. Kaya importante na mapanagot ang mga mapatunayang may sala.”
“Kung hindi, mag-iibang anyo lang sila at makakapambiktima na naman ng mga kababayan natin,” giit pa ni Hontiveros.
Ani Hontiveros, ang arrest orders laban kina
Roque, Ong, at lahat ng sangkot sa Porac POGO hub ay isang welcome development laban sa mga POGO.
“That hub was one of the biggest scam compounds in the country. Talamak ang human trafficking, kidnapping, torture, money laundering, at kung anu-ano pang krimen,” sinabi pa ng senadora.
“Dapat lang na humarap sa korte ang mga akusado.” RNT/JGC