MANILA, Philippines – Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT)-NCR Union ng agarang pagbibigay ng honoraria para sa mga miyembro ng electoral board na naglingkod sa katatapos lamang na halalan.
Sinabi ni ACT-NCR union president Ruby Bernardo na ang ilan sa mga guro ay nagtrabaho ng mahigit 24 oras, at ang iba ay gumastos na ng sariling pera para sa kanilang pagkain at pamasahe, para makapagbigay ng kanilang serbisyo noong eleksyon “only to be met with delays in payment.”
“It has been a week since the elections, yet thousands of teachers who served as members of the Electoral Board have not received their long-overdue compensation,” saad sa pahayag ni Bernardo.
“Hindi katanggap-tanggap na ang mga guro ay nagtitiis ng init, pagod, at panganib para sa halalan, ngunit pagdating sa bayad at benepisyo, laging huli,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na nagsimula na ito ng distribusyon ng honorarium sa mga guro na nagsilbing poll workers.
Target ng Comelec na makumpleto ang pagbibigay ng mga bayad sa loob ng 10 araw matapos ang Mayo 12.
Nitong Lunes, Mayo 19, inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na inaprubahan nito ang karagdagang P1,000 across-the-board honoraria para sa mga guro at iba pang poll workers.
Ito ay bukod pa sa P2,000 across-the-board compensation na inaprubahan ng DBM, at pinondohan sa 2025 General Appropriations Act.
Samantala, umapela ang ACT-NCR union ng tax exemption sa lahat ng election-related compensation at probisyon ng overtime sa mga guro na nagtrabaho nang higit sa nararapat na oras ng serbisyo.
“While we acknowledge Comelec’s P1,000 increase in honoraria, it is practically wiped out by the 15% tax deduction. Ang dagdag na P1,000 ay halos nawawalan ng silbi dahil sa 15% na buwis na kinakaltas. Nararapat lamang na maging tax-exempt ang honoraria ng mga guro, at dapat silang bigyan ng overtime pay kung sila ay nagtrabaho nang higit sa 24 na oras,” ani Bernardo.
Wala pang tugon ang Comelec at DBM kaugnay nito. RNT/JGC