Ito ang isinigaw ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kaugnay sa ibinunyag ng Department of Justice na may dalawa hanggang tatlong passport umano na hawak si Roque.
Itinanggi ni Roque ang paratang ng DOJ at sinabing nagpapakalat umano ang administrasyong Marcos ng pekeng balita.
“Fake news ang pinapakalat ng Marcos Jr. administration na mayroon daw akong multiple passports. Ni hindi nga masabi ng Department of Justice kung dalawa o tatlo ang aking pasaporte. May nahilo na naman,” nakasaad sa inilabas na statement ni roque.
Iginiit ni Roque na iisa lamang ang kanyang ginagamit na passport at bagama’t mayroon pa siyang isang kasalukuyang passport ay hindi na ito magagamit dahil wala na itong blangko na pahina na maaaring tatakan.
“The Department of Foreign Affairs would certainly know that the previous current one is cancelled without prejudice,” dagdag ni Roque.
Nilinaw pa ni Roque na hawak ng gobyerno ng the Netherlands ang kanyang passport bilang bahagi kanyang asylum application.
Patutsada ni Roque, mag-ingat ang mga Pinoy sa umano’y ipinakakalat na fake news.
“Mga kababayan, mag-ingat po tayo sa naglipanang fake news. Itotodo na nila ang paninira sa akin,” ani Roque. Teresa Tavares