KANYA-KANYANG hula pa rin ang mga miyembro ng Philippine National Police lalo na ang mga opisyal sa kung sino ang matikas na papalit kay PGen Rommel Marbil na nakatakdang iwan ang pwesto bilang PNP Chief sa Hunyo 7.
Kahit naman mediamen at ordinaryong mamamayan na hindi nagpapahuli sa balita kaugnay sa namamahala ng peace and order ng bansa ay nakikihula rin kung sino ang susunod na itatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos bilang sunod na hepe ng Pambansang Pulisya.
Ang sabi, apat ang pinagpipilian ni Pangulong Marcos sa opisyal ng PNP —PLtGen Jose Melencio Nartatez Jr., PLtGen. Edgar Okubo, PMGen Nicolas Torre III at PMGen Anthony Aberin.
Kamakalawa, may anunsyo si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may napili na si Presidente Marcos subalit ayaw munang ibunyag ng kalihim.
Pero bago ang pakulo ni Remulla na may napipisil na si PBBM ay kasama niya maaga pa lang si Gen. Aberin upang ipagmalaki ang pinalakas na police visibility project ng National Capital Region Police Office kung saan pinamumunuan nga ito ni Aberin.
Kaya naman marami ang humuhula na si Aberin na ang magiging kapalit ni Marbil bilang chief PNP. Syempre, marami ang tumaas ang kilay. Kasi nga, marami-rami ang hindi pabor kay Aberin.
Sabagay, bukod tanging si Aberin sa kanyang mga katunggali ang panay-panay ang papogi sa mga pahayagan, radyo at telebisyon kasama ang social media.
Panay-panay ang kanyang pabida ng kanyang “AAA” policing: Able, Active and Allied, na sinasabing magiging mahusay na panlaban sa krimen.
Subalit marami rin naman ang umaasa na si Torre ang itatalagang kapalit ni Marbil sapagkat isinugal niya ang kanyang career para makuha ang tiwala ni Pangulong Marcos.
Hindi ba’t si Torre, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group, ang nagpakitang gilas upang hulihin si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo C. Quiboloy noong siya ang regional director ng Police Regional Office 11 o Davao Region?
Si Torre rin ang malakas ang loob na humuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 at kaagad-kaagad na isinakay sa eroplano upang dalhin sa The Hague.
Si Okubo, dating hepe ng Special Action Force, ang nagpatupad ng kalinga sa kapwa lalo na sa mga nasa Mindanao Avenue Extension nang sila ay idemolish upang magamit na daan ng mga sasakyan ang lugar. Pulis at gobyerno na ang lumapit sa mamamayan upang ipagkaloob ang kanilang mga pangangailangan noong panahong si Okubo ang namahala ng demolisyon.
Marami naman ang may gusto at boto na si Nartatez, kasalukuyang Deputy Chief PNP for Administration, ang ipalit kay Marbil bilang PNP Chief. Kung kwalipikasyon nga naman ang pag-uusapan, marami ang naniniwala sa kakayahan ni “Tateng” na pamunuan ang buong pulisya ng bansa.
Noong hepe ng National Capital Region Police Office itong si Nartatez, nagpatupad siya ng “NO TAKE POLICY” na hindi nagawa ng mga sumunod sa kanya.
Bukod sa kautusang ito, maraming mga pulis na iskalawag ang sinibak niya sa serbisyo. Marami ang pulis noon na iwas kay Nartatez dahil nga sa pagiging disciplinarian nito. Marami-rami ang mga pulis na nabigyang disiplina noong siya ang nakaupong RD ng NCRPO.
Walang masyadong krimen dahil mahigpit ang kanyang tagubilin sa mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin na balikatin ang responsibilidad sa kaayusan at katahimikan ng pamayanan.
Mas marami pa rin ang matinong pulis kaysa sa mga iskalawag. Ang mga matitino, lalo na mga opisyal, mas higit ang pagnanais na si Nartatez o Tateng sa kanilang tawag ang maging bagong PNP CHIEF.
Iyan, hindi fake news!






