ILOILO CITY- Pinag-iingat ngayon ng mga awtoridad ang publiko sa lungsod na ito at lalawigan ng Iloilo na ingatan ang kanilang kalusugan matapos makapagtala ng dalawang kaso ng monkeypox, iniulat kahapon base sa resulta ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), Muntinlupa City.
Ayon kay Dr. Mary Ann Diaz ng Iloilo City Health Office (ICHO), nasa maayos na kalagayan ang pasyenteng mula sa lungsod.
Samantala, sinabi ni Dr. Maria Socorro Colmenars-QuiƱon ng Iloilo Provincial Health Office (IPHO) na ang pasyente mula sa lalawigan ay nagpapagaling sa bahay.
Batay sa epidemiological reports, parehong local transmission ang dalawang kaso dahil walang travel history ang mga pasyente.
Habang nasa isolation at mahigpit na mino-monitor ang apat na close contacts sa Iloilo City at siyam pa sa nasabing probinsya.
Nilinaw ni Dr. Roland Jay Fortuna ng ICHO na wala pang community transmission sa lungsod.
Pinaalalahanan ng mga opisyal ang publiko na iwasan ang matataong lugar, panatilihin ang personal na kalinisan, at agad magpakonsulta kapag nakaranas ng sintomas tulad ng skin rashes, lagnat, pananakit ng kalamnan, likod, ulo, at pagkakaroon ng mga kulani. Mary Anne Sapico